Luis Manzano itinangging sangkot sa ‘investment scam’ ng isang fuel company; nagpasaklolo sa NBI

Nagpasaklolo na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang aktor na si Luis Manzano matapos madawit ang pangalan sa diumano’y investment scam ng isang fuel company.

Isang investor kasi ang naglabas ng pahayag kung saan hinihiling niya kay Manzano na mabawi ang perang na-invest niya sa Flex Fuel Petroleum Corporation.

Ang Flex Fuel ay pag-aari at pinangangasiwaan ng dating business partner at kaibigan ni Manzano na si Ildefonso “Bong” Medel na CEO ng ICM Group.

Sa sulat ng aktor sa NBI sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Atty. Regidor Caringal, ipinaliwanag ni Manzano na nagbitiw na siya bilang chairman of the board ng ICM at nagdesisyong mag-divest ng kaniyang interes sa kompanya.

“I never took part in the management of the business” and later resigned and formally disassociated himself from ICM group companies, including Flex Fuel,” ayon sa affidavit na ipinadala ni Manzano noong Disyembre 2022.

“Bong conducted the business in such a way that operational matters were kept away from me,” dagdag pa nito.

Giit pa ng Kapamilya aktor, may pagkakautang pa rin sa kaniya si Medel na nagkakahalaga ng P66-M.

Sa panayam ng GMA News sa nagrereklamong investor na si Jinky Sta. Isabel, sinabi nitong nahikayat siyang mag-invest sa Flex Fuel dahil kay Manzano na noon ay nakaupong chairman at isa daw sa may-ari.

Maliban kay Sta. Isabel, may nasa lima pang investor na nagrereklamo rin sa NBI at nais na mabawi ang kanilang perang inilagak sa Flex Fuel bilang puhunan.

“Up to now, there are still individuals reaching out to me for help and assistance regarding their investments in Flex Fuel,” ani Manzano.

Sinubukan na daw niyang kausapin si Medel tungkol dito subalit wala pa itong ginagawang aksyon para tugunan ang reklamo laban sa kaniya.

Hindi pa rin naglalabas ng opisyal na pahayag ang Flex Fuel hinggil sa kinasasangkutang isyu.