Luis Manzano hindi sumipot sa pagdinig sa NBI, humingi ng palugit

Hindi sumipot sa tanggapan ng NBI ang aktor na si Luis Manzano o maging ang kaniyang abogado nitong Lunes, Pebrero 13, para sana sa pagdinig ng reklamo laban sa Flex Fuel.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, sa halip ay ipinadala ng law firm na nagrerepresenta kay Luis ang kanilang messenger bitbit ang isang sulat.

Nakasaad umano sa naturang sulat na kasalukuyan pa nilang pinag-aaralan ang ebidensiya hinggil sa reklamo at humihingi na rin ito ng karagdagang 15 araw na palugit upang ayusin ang mga dokumento.

Matatandaang naglabas ng subpoena ang NBI laban kay Manzano noong nakaraang Biyernes upang magpaliwanag sa diumano’y pagkakasangkot niya sa ‘investment scam’ ng Flex Fuel na pag-aari at pinangangasiwaan ng kaniyang dating business partner at kaibigan na si Ildefonso “Bong” Medel na CEO ng ICM Group.

Personal pang dinala ng mga ahente ng NBI sa bahay ni Manzano sa Taguig City ang subpoena matapos makatanggap ng reklamong estafa mula sa 40 investors laban sa aktor at iba pang personalidad.

Nauna nang sinabi ni Manzano sa sulat sa NBI na nagbitiw na siya bilang chairman of the board ng ICM at nagdesisyong mag-divest ng kaniyang interes sa kompanya.

“I never took part in the management of the business” and later resigned and formally disassociated himself from ICM group companies, including Flex Fuel,” ayon sa affidavit na ipinadala ni Manzano noong Disyembre 2022.

BASAHIN: Luis Manzano itinangging sangkot sa ‘investment scam’ ng isang fuel company; nagpasaklolo sa NBI

Giit pa ng Kapamilya aktor, may pagkakautang pa rin sa kaniya si Medel na nagkakahalaga ng P66-M.

Samantala, nakahanda naman umano ang mga complainants na iurong ang kanilang demanda kapag naibalik sa kanila ang perang inilagak sa FlexF Fuel.

Kaugnay nito, naglabas naman ng pahayag ang Flex Fuel para pabulaanan ang mga alegasyon laban sa kompanya.

“There is absolutely no truth to the claim that Flex Fuel is involved in any form of scam or fraud against our stakeholders. In fact, all of our transactions, especially with our stakeholders, are transparent fair and legal,” anito.