Lalaki ibinenta ang koleksyon na laruan para sa kasintahang may karamdaman

Hanggang saan o ano ang kaya mong gawin o ibigay para sa taong minamahal mo?

Isang netizen ang nag-post sa social media – na nakilalang si Jefferson Gonzales – at hindi nagdalawang-isip na ibenta ang kanyang koleksyon na mga laruan para matulungan ang kanyang kasintahan na na-diagnose na may stage 4 endometrial cancer.

Iba talaga ang makakaya mong gawin kapag ang taong mahal mo ay nangangailangan lalo na kung ito ay may karamdaman.

“Hi friends! As you all know, my love, Rica, was battling cancer for the past 2 weeks. So far, di pa kami makalipat ng hospital na medyo mura since may balance pa kami. Need nya magdialysis dahil medyo nagkaka problema kidney nya.

Then hopefully makapagstart with the treatment na talaga. So we’ve decided to sell more of our collections too. As in lahat na pati yung sa kanya,” anito sa kanyang FB post.

Ibinahagi rin naman niya ang kuwento sa The Philippine STAR at sinabi pang mapapalitan at puwede namang bumili ulit ng mga bagong koleksyon.

“Medyo mabigat. Ang inisip ko na lang siguro kaya ako binigyan ni God ng pera para bumili siguro meron ‘yung purpose sa life ko talaga hindi lang for enjoyment. Naisip ko na lang it’s for her naman and ‘yung pag galing niya naman siguro pwede bumili ulit,” kuwento ni Jefferson.

“I decided na na ‘yung mga iba ibenta ko na talaga kasi pandagdag po sa bills niya. As of now talaga ang focus ko lang po talaga kahit ano, kung lahat po kailangan ko ibenta okay lang sa’kin,” dagdag pa niya.

Noong 2018, na-diagnose si Jessa Paminiano na may Polycystic Ovary Syndrome (PCOS). Ngunit sinabi ni Jefferson na malakas at malusog si Jessa nang magkita sila sa isang dating app noong 2020.

“So far, for the first two years na magkakilala kami okay naman. And then nung 2022 may nakita sa uterus niya. Nitong January lang po biglang lumala ‘yung pakiramdam niya,” anito.

Unang nakaranas ng matinding pananakit ng tiyan si Jessa noong Enero 15, 2023 at isinugod sa emergency room.

“Ang first diagnosis is liver cirrhosis. Parang namamaga daw po ‘yung liver niya so ang sabi ng mga doctors and nurses dun sa ER, parang it’s weird kasi bata ka pa,” wika ni Jeff.

“Siguro nung araw na ‘yun na pag uwi niya iniyak ko na lahat kasi ayokong ipakita sa kanya na mahina ako. Eh kasi alam ko one ako sa mga inaasahan niya malakas,” emosyonal na sabi pa ni Jeff.

Umabot sa mahigit P300,000 ang medical bills ni Jessa. Sinabi ni Jefferson na nagpapasalamat siya sa mga mapagbigay na indibidwal na bumili ng kanyang koleksyon.

“Pero ang nangyari kasi halos triple ‘yung na nakuha ko na donations. Then meron kasing mga groups, ‘yung mga Funko, mga Gundam, ang daming nakakita tapos pinost nila doon,” diin niya.

“Nakakatouch lang na ang dami talagang tumulong so parang faith in humanity restored. Sobrang thank you po sa mga nag-donate, sa mga bumili,” dagdag pa niya.

Ayon naman sa kasintahan na si Jessa na patuloy na nilalabanan ang sakit, “I’ll get through this, so fighting lang! Sabi ko nga po dito bawal umiyak, pinapauwi ko po.”