Kapatid ni Maja Salvador, kabilang sa Bb. Pilipinas 2023 aspirants

Sasabak na sa mundo ng beauty pageant ang nakababatang kapatid ni Maja Salvador na si Jessie Salvador, isa sa mga Bb. Pilipinas aspirant ngayong taon.

Sa panayam ng pageant vlogger na si Adam G ay sinabi ni Jessie na noong isang taon pa niya gustong sumali ngunit inamin niyang nauunahan siya ng kaba. Ngunit dahil na rin sa suporta ng mga taong nakapaligid sa kaniya ay nagdesisyon siyang magpasa na ng application sa Bb Pilipinas ngayong taon.

“Lagi akong nag-iisip tuwing gabi na bakit hindi ko i-try? Bakit lagi kong inuunahan ng kaba, lagi kong pinapangunahan yung sarili ko na, ‘kaya ko ba?’ Why not take the first step para dun ko malaman kung kaya ko ba siya o hindi? Guys, I’m here, I’m conquering my fear,” aniya.

Todo rin ang suporta sa kaniya ni Maja na nagbahagi pa ng Instagram stories kaugnay sa pagsali ni Jessie sa Bb. Pilipinas. “Good luck Bb. @jessiesalvador. So proud of you!” sabi ni Maja sa caption ng isang larawan.

Kuwento ni Jessie, isa ang kaniyang ate sa mga nangumbinsi sa kaniyang sumali rito. Nagbigay rin ito ng mahalagang payo sa kaniya.

“Ang advice lang ni Ate sa akin is basta ‘wag kang panghinaan ng loob kasi lahat naman nadadaan sa trainings. Napag-aaralan lahat ng bagay and maniwala ka lang sa sarili mo na kaya mo. Tuloy-tuloy mo siya, go with the flow. Parang water lang yan.”

Dahil may showbiz background ay nag-effort daw si Jessie na i-tone down ang kengkoy side niya sa tulong na rin ng kaniyang camp na Aces and Queens.

“Di ba dapat jolly-jolly ka, kailangan ma-impress mo palagi lahat pag nag-aaudition ka, but pag nag-join ka ng pageant, kailangan girl na girl ka, hinhin. And before wala ako nun. Aces and Queens helped me na maging mahinhin,” dagdag pa niya.

January 31 natapos ang pagtanggap ng Bb. Pilipinas sa application para sa bagong batch ng mga beauty queen na sasabak sa pageant.