‘Happy na ako now!’ Kakaibang kuwento sa likod ng ipinatayong dream house, umantig sa netizens

Mula sa FB ni Andrew Asencio via Home Buddies

Naging usap-usapan sa Facebook group na “Home Buddies” noong Mayo 2022 ang kuwento ng malungkot na karanasan sa pag-ibig ng isang lalaking nagngangalang “Andrew Asencio” na nagpatayo ng kaniyang dream house para sa kaniyang ex-girlfriend na handa na sana niyang pakasalan at maging ilaw ng tahanan.

Talaga aniyang nagsumikap siya para sa pagpapatayo ng naturang bahay.

Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, natuklasan niya umano ang lihim ng kaniyang dating nobya, kung saan, niloloko na pala siya nito nang hindi niya namamalayan.

Kaagad siyang nagpaalam dito pati sa pamilya nito, at nag-move on.

Ang tahanang sinisikap na itayo, agad na gumuho, hindi pa man tuluyang nabubuo.

Humirit siya sa kaniyang FB post na sana raw ay makatagpo niya sa naturang FB group ang babaeng karapat-dapat para sa kaniya, at maging kasa-kasama sa kaniyang ipagpapatuloy na dream house.

“Apparently, God is good, He saved me from the wrong person before I even got into the marrying situation,” pahayag pa ni Andrew sa kaniyang pinag-usapang Facebook post.

Makalipas lamang ang ilang buwan, tila naging mabuti ang Diyos sa kaniya dahil nakilala niya ang babaeng nagpahilom sa kaniyang mga sugat, at nagbigay sa kaniya ng panibagong inspirasyon at pag-asang magpatuloy sa buhay at tapusin ang ipinagagawang dream house.

Ayon sa naging panayam ng Balita Online kay Andrew, hindi niya inaasahang makikilala niya ang babaeng magpapatibok sa kaniyang puso, sa hindi inaasahang pagkakataon. Bigla na lamang daw siyang inadd nito. Inaccept naman niya ang friend request nito. Wala umano itong private message o komento sa naging viral post niya.

“Nakilala ko siya sa Home Buddies, isa siya sa mga nag-add sa akin noong nag-trending yung una kong post. Nag-add lang siya, never siya nag-comment/pm/react sa post ko. Then dahil friend ko siya sa Facebook, may nakita akong nag-appear sa My Story niya na magandang puntahan. Tinanong ko siya at doon na nagsimula ang convo namin. Hanggang sa nag-meet kami. First meet namin sa Tagaytay.”

Oktubre noong nakaraang taon nang maging magkasintahan silang dalawa. Kaya masayang-masaya na ang puso ni Andrew, na nagbigay ng update sa mga ka-Home Buddies.

“I was wrong when I chose that girl before to be part of this house. But that decision brought me closer to the one who truly deserves every bit of my hardwork. Posting it here before in home buddies was one of the BEST decisions I have made in my life because through that, I finally found the right woman for my humble home,” aniya sa kaniyang Facebook update noong Pebrero 1.

“It’s true when they say that every wrong person that comes into your life, brings you closer to the right one.”

“Thank you mga ka-HB for all your support and comfort during those trying times and most especially thank you dahil dito ko nakilala yung nakikita kong future wife ko.”

Congrats, Andrew, at masaya rin kami para sa inyo. Love, love, love!