Jinkee Pacquiao ipinasilip ang bagong mansyon; may simpleng banat kaugnay sa ‘annulment rumors’

Manny at Jinkee Pacquiao (Larawan mula sa IG ni Jinkee Pacquiao)

Isa na yata sa mga “relationship goals” ng mga netizens pagdating sa celebrity couples ay sina dating senador at Pambansang Kamao Manny Pacquiao at misis niyang si Jinkee Pacquiao, dahil sa kabila ng mga pagsubok na dumating sa kanilang relasyon ay nananatili pa rin silang matatag.

Kaya marami ang nagulat nang lumutang ang intrigang gumugulong na raw ang annulment nilang dalawa, at buntis daw na iiwanan ni PacMan ang misis.

Mismong ang aktres at talent manager na si Annabelle Rama na malapit na kaibigan ng mga Pacquiao ang sumalag sa mga intriga, lalong-lalo na raw sa mga “marites” na nagpapakalat nito, batay sa kaniyang Instagram post kamakailan.

Makikitang dumalo sila ng mister na si Eddie Gutierrez sa birthday party ni Manny. Kasama pa nila sa mesa ang dating Narvacan, Ilocos Sur mayor at naging gobernador ng Ilocos Norte na si Luis “Chavit” Singson.

Pambabasag ni “Bisaya” sa mga marites, “SA LAHAT NG MARITES, TIGILAN NYO NA ANG PAG IMBENTO NG KWENTO TUNGKOL KAY JINKY NA MAG FILE NG ANNULMENT, AT KAWAWA NAMAN DAHIL BUNTIS. I JUST WANT TO CLARIFY SA LAHAT NG NAG TXT AT TAWAG SA AKIN KUNG TOTOO ANG CHISMIS, NO IT’s A FAKE NEWS.”

“UNANG UNA, SA NAKIKITA KO IMPOSIBLENG MAG HIWALAY ANG MAG ASAWA DAHIL SA NAKIKITA KO ANG SWEET NILA AND HAPPY FAMILY. BUSY SI JINKY SA 3HECTARS MANSION NA PINAPAGAWA NI MANNY PARA SA DREAM HOUSE NILANG MAG ASAWA AT MALAPIT NA ITONG MATAPOS. KAYA YUNG MGA MARITES, TIGILAN NYO NA. ALAM KO KUNG SINO ANG GUMAGAWA NG CHISMIS MAMATAY KA SA INGGIT.”

Ayon sa ulat ng Balita Online, nagkomento rito si Jinkee at makikita rin sa comment section ng naturang IG post.

Tila idinaan na lamang ni Jinkee sa “bible verse” ang kaniyang mga nais sabihin sa “intrigerang netizens” na nagpapakalat umano ng pekeng balita tungkol sa kanila ng mister.

“Hayaan mo na sila God bless them!,” ani Jinkee. “Vengeance is mine I will repay, says the Lord.”

Samantala, sa kaniyang Instagram posts naman ay ibinida ni Jinkee ang kanilang bagong patayong mansyon; patunay na hindi totoo ang mga kumakalat na isyu patungkol sa kanilang dalawa.

Sa katunayan, sa simpleng mensahe at caption ni Jinkee para kay Manny, tila sinasabi niya rito na ito ang kaniyang tahanan at ito lamang ang nais niyang makasama habambuhay.

“Home is wherever I’m with you.”

“By your side is where I want to be.”

“I Love You, babe!” ani Jinkee.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” ay nilinaw rin ang tungkol sa isyung ito, na wala umanong katotohanan.