Jane de Leon inaming malaking tulong sa pamilya ang ‘Darna’: ‘Guminhawa ‘yung buhay namin’

Nalulungkot man, malaki ang pasasalamat ni Jane de Leon sa break na ibinigay sa kaniya ng ABS-CBN para gumanap bilang bagong ‘Darna’ sa telebisyon.

Patapos na kasi ang ‘Darna’ at may dalawang linggo na lamang ang nalalabi bago ito tuluyang magpaalam makaraan ang mahigit anim na buwan sa himpapawid.

“It’s sad actually. Kasi alam ko na marami pa kaming maibubuga and marami pa kaming kuwento na mase-share sa lahat ng tao. Siyempre masaya din ako kasi alam kong worth it lahat ng pinaghirapan ng mga tao sa Darna,” bahagi ng aktres sa ginanap na media conference noong Enero 30.

Inamin rin ni Jane na malaki ang naging tulong ng ‘Darna’ para guminhawa ang buhay ng kaniyang pamilya.

“Simula nung naging Darna ako, una sa lahat, natulungan ko yung family ko. Kahit papaano, nakaahon kami. Guminhawa yung buhay namin, ganyan,” anito.

“And I met a lot of people sa buhay ko, kung sino talaga ‘yung mga totoo. And sobrang bihira kasi talaga sa showbiz na makakilala ng mga totoong tao,” dagdag pa ng 34-anyos na Kapamilya actress.

Para sa kaniya umano, ang kaniyang ina ang maituturing na ‘Darna’ sa kaniyang buhay dahil sa mga sakripisyo nito para sa kanilang pamilya.

“Si Darna sa puso ko is my mom talaga. Kasi madami siyang sacrifices na ginawa for us and for my family. Nagpapasalamat ako kasi kung hindi dahil sa kanya, wala ako sa sitwasyon na ito,” wika ni Jane.

Wika pa ng aktres, bukas siya sa posibilidad ng sequel o pelikula kung sakali mang iaalok ito sa kaniya ng ABS-CBN.

“Puwede kasi actually open book naman siya eh. Yung story kasi ng Darna continuous naman siya and ang maganda dun and if ever magkaroon, if ever baka movie or another series ulit. But of course it’s up to our bosses na. If ever, I’ll be glad and happy. Sana makasama ko pa rin sila if ever,” paliwanag pa ni Jane.

Bukod dito, inalala rin ng aktres ang hirap na kaniyang pinagdaanan habang ginagawa ng “Darna’ gaya ng ilang aksidente kung saan nagtamo siya ng mga sugat.

Panoorin ang mediacon: