DGPI kinontra ang panawagan ni Sen. Robin na i-ban sa Pinas ang pelikulang ‘Plane’ ni Gerard Butler

Hindi sang-ayon ang samahan ng mga direktor sa panawagan ni Sen. Robin Padilla na huwag payagang ipalabas sa Pilipinas ang pelikulang ‘Plane’ na pinagbibidahan ni Gerard Butler.

Matatandaang hinimok ni Padilla ang MTRCB sa isang talumpati sa Senado na i-ban sa bansa ang ‘Plane’ dahil sa hindi magandang pagsasalarawan nito ng mga kasapi ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na nakatalaga sa Jolo, Sulu.

“Sa kanilang pelikula, ang sinasabi ang ating otoridad ay naduwag na sa mga rebelde. Hindi na po sila umaaksyon. At sinabi pa dito, ‘They went down somewhere in the Jolo island cluster. It’s run by separatists and militias. The Filipino armies weren’t there anymore,'” ani Padilla.

Hindi umano dapat palampasin ng MTRCB ang ‘pang-iinsultong’ ito sa ating militar.

“Hindi po natin ito dapat tanggapin. Sana po, nakikiusap po tayo sa ating MTRCB, na sana po sa mga ganitong ganap, kumakatok po tayo sa opisina nila. Hindi po dapat ito pinapalabas sa Pilipinas. Dito po dapat sa ating bansa, ipinagbabawal ito at kino-condemn po natin ito,” wika pa ng senador.

Sa isang pahayag naman na inilabas ng Director’s Guild of the Philippines (DGPI), hindi umano sila sang-ayon sa panawagang i-ban ang ‘Plane’ sapagkat ang karapatang mamili ng panonoorin ay dapat manatili sa publiko, at hindi idinidikta ng mga pulitiko.

“To outrightly ban the film, especially one already approved by the MTRCB, is a cure much worse than the illness itself, injurious to free expression and sets a precedent for films to be hostage by imagined slights to our country’s reputation,” ayon sa DGPI.

“If the state can tolerate free expression for trolls, fake news and historical revisionism without worrying about their effect on the country’s prestige, then the state can do the same for a work that members of the foreign press have regarded as mindless B-movie entertainment rather than a reliable commentary on our country’s affairs,” dagdag pa ng grupo.

Kaugnay nito, nangako naman si MTRCB chairperson Diorella “Lala” Sotto-Antonio na pag-aaralan nila ang mungkahi ni Padilla.

“We acknowledge the sentiments expressed by our honorable Senators concerning the film, ‘Plane.’ Although the film is fictional, we still would not want our country to be portrayed in a negative and inaccurate light. The MTRCB will re-evaluate the film in view of the concerns and will take all necessary measures if found to be in any way injurious to the prestige of the Philippines or its people,” wika ni Sotto-Antonio sa isang pahayag.

Ang ‘Plane’ ay kuwento tungkol sa kung paano nakaligtas ang crew at pasahero ng isang eroplano, na pinangungunahan ng pilotong ginampanan ni Butler, na nag-crash sa kagubatan ng Jolo. Ito ay ipinalabas sa Estados Unidos noong Enero 13.

Panoorin ang trailer. Ano’ng masasabi ninyo dito?