Dennis Trillo nagpasalamat sa ‘Maria Clara at Ibarra’ matapos ang mga huling eksena, ‘Mahal ko kayo, hanggang sa muli’

Ilang araw bago ang pagtatapos ng serye, binigyang-sulyap ni Dennis Trillo ang mga behind-the-scenes na sandali ng kanyang huling eksena sa “Maria Clara at Ibarra,” na itinuturing niyang isa sa pinakamahalagang proyektong natanggap niya.

Umani ang aktor ng palakpak mula sa kanyang mga co-stars pati na rin sa production team habang tinatapos niya ang kanyang mga huling eksena bilang si Simoun, na makikita sa isang clip sa kanyang Instagram page nitong Pebrero 21.

ICLICK PARA MAPANOOD ANG VIDEO

“Nais kong ibahagi ang mga kaganapan sa pagtatapos ng aking huling eksena, sa maituturing kong isa sa pinakamakabuluhan at importanteng proyektong kinabilangan ko,” isinulat niya sa caption.

“Nais kong magpasalamat ng buong puso sa bawat tao na naghirap para pagandahin ang programang ito, at siyempre walang tagumpay kung wala ang mga tumatangkilik,” pagpapatuloy niya. “Salamat sa iyo, na minahal at naglaan ng oras para panoorin ang palabas, [thank you]. Mahal ko kayo, hanggang sa muli.”

Pinuri rin si Trillo sa kanyang makabuluhang pagganap ng aktres na si Carla Abellana at ng kanyang “Maria Clara at Ibarra” co-stars na sina David Licauco, Rocco Nacino, Julie Anne San Jose, Jon Lucas pati na rin si Juancho Triviño.

Ang “Maria Clara at Ibarra,” na hango sa mga nobela ni Dr. Jose Rizal, ay umiikot sa”Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” kung saan si Simoun ay sumumpa ng paghihiganti laban sa gobyerno.

Mapapanood na lamang ang “Maria Clara at Ibarra,” hanggang Biyernes ng gabi Pebrero 24.

Basahin: Dennis Trillo muling nakasama ang anak at si Jennylyn sa Las Vegas matapos ang taping ng ‘Maria Clara at Ibarra’

Matapos ang shooting ng “Maria Clara at Ibarra,” muling nagkita ang aktor at ang kanyang anak na si Dylan at asawang si Jennylyn Mercado sa Las Vegas, Nevada.

“After taping #MariaClaraAtIbarra, Kapuso Drama King @dennistrillo goes on a well-deserved family time!” saad sa caption ng GMA network.