Darryl Yap kay Cherry Pie Picache: ‘Wala naman akong deklarasyon na gusto ko kayong makatrabaho’

Binuweltahan ni Darryl Yap ang naging pahayag ni Cherry Pie Picache matapos tanungin ang huli kung sakali ay papayag ba itong gumanap bilang si Imelda Marcos sa pelikulang ididirehe ng batang direktor.

Sa mediacon kasi ng “Oras de Peligro” kung saan tampok si Cherry Pie, sinabi ng beteranang aktres na papayag lamang siya sa naturang alok kapag hindi si Yap ang direktor.

“Depende sa konteksto ng pelikula, sa script, why not? Pero by Darryl Yap, no!” saad ng aktres.

“Ewan ko, may kunsensiya pa ba siya?” dagdag pa nito nang usisain kung bakit ayaw niyang magpadirek kay Yap.

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang direktor na nasa likod ng ‘Maid in Malacanang’ (MIM) at kilalang malapit sa pamilya Marcos, lalo na kay Sen. Imee Marcos.

“Tinatanong po ni Miss Cherry Pie Picache kung may konsensya pa raw ba ko dahil sa mga Marcos films na ginagawa ko. Sasagutin ko po ang tanong nya, ng dalawang tanong,” bungad ni Yap sa kaniyang Facebook post.

Una umano rito ay kung alin sa eksena ng MIM at MOM ang hindi totoo at kasinungalingan, lalo pa’t ang MOM ay kasalukuyang ine-edit pa niya.

“Napakahusay umarte ni Miss Cherry Pie, pero ngayon lang ako parang naOAyan sa kanya (actually pangalawa na pala ito, una nung umiyak sya sa kampanya ni Leni at para siyang CEO na isang pyramiding company na sumisigaw ng MANGHIKAYAT KAYO!),” patuloy pa ng direktor.

Inungkat din ni Yap ang malungkot na sinapit ng namayapang ina ni Cherry Pie kung saan pinatawad ng aktres ang nasa likod ng insidente.

“Ako, na gumagawa lamang ng pelikula (na dahilan kung bakit kayo may pelikula) AKO ANG TINATANONG MO KUNG MAY KONSENSYA?” saad pa ni Yap.

“At wag po kayong mag-alala; wala naman po akong deklarasyon na gusto ko kayong makatrabaho,” dagdag pa nito.

Samantala, nilinaw naman ni Cherry Pie na wala siyang personal na galit sa direktor; bagkus ay paninindigan lamang niya ang namamayani.

Si Cherry Pie ay kilalang tagasuporta ni dating Vice President Leni Robredo na nakalaban at natalo ni Pangulong Bongbong Marcos noong halalan.

Mistulang magtatapat naman sa takilya nitong Marso 1 ang ‘MOM’ ni Yap at ang ‘Oras De Peligro’ na gawa naman ni Direk Joel Lamangan.

Ang ‘Oras De Peligro’ ay paglalahad ng mga pangyayari noong 1986 Edsa Revolution, habang ang MOM ay ang ikalawang pelikula tungkol sa pamilya Marcos na tatalakayin ang pagpaslang noon kay dating Senador Ninoy Aquino.

Teaser ng ‘Oras De Peligro’: