Amazing artist sa North Cotabato, ipininta ang kaniyang mga magulang na magsasaka bilang pasasalamat

Mga larawan mula sa FB ni Jarren Dahan

Maraming maaaring gawin ang isang anak upang maipakita niya ang pagpapasalamat, pagpapahalaga, at pagmamahal sa kaniyang mga magulang na nag-aruga at nagbigay ng mga pangangailangan niya upang mabuhay sa mundo.

May ilang nagbibigay ng regalo. May ilang dinadalhan sila ng pasalubong, o kaya naman ay binibilhan ng mga gusto nilang pagkain o bagay. May ilang ipinapasyal sila. May ilan ding nagbibigay na lamang ng cash.

Subalit kakaiba ang ginawa ng artist na si “Jarren Dahan,” 25-anyos, mula sa Makilala, North Cotabato matapos niyang maisipang ipinta ang kaniyang mga magulang na parehong may edad na’t nagbabanat-buto bilang mga magsasaka.

Sa panayam ng Balita Online sa painter, ibinahagi ni Dahan na parehong 65-anyos ang kaniyang mga magulang at lima silang magkakapatid.

Naisipan daw niyang ipinta ang mga magulang bilang pasasalamat sa sipag at tiyaga nila para mapalaki silang magkakapatid nang maayos.

Ginawa niyang cover photo sa kaniyang Facebook account ang litrato niya kasama ang mga pambihirang paintings.

“Maraming salamat sa lahat ng inyong pagsusumikap para sa amin. Nawa’y bigyan pa kayo ng malusog at mahabang buhay upang makabawi naman ako sa inyo balang araw,” makabagbag-damdaming mensahe ni Dahan para sa kanilang ama at ina.

Kuwento pa ni Dahan, mabusisi raw talaga ang kaniyang ginawa, na ang tawag ay “hyperrealism” dahil tila totoong-totoo ang portrait ng kaniyang mga magulang. Kung titingnan nga ito, aakalaing isa itong tarpaulin o pinasadyang litrato. Mahigit isang buwan ang inilaan ng artist upang matapos ang dalawang paintings.

Kaya naman, sadyang humanga ang mga tao sa husay na kaniyang ipinamalas. Mas lalo raw nadaragdagan ang mga komisyong natatanggap niya o nagpapagawa ng paintings sa kaniya.

Nagagamit din niya ang pagbuo ng mga obra upang kumita ng pea at masuklian ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang mga magulang para sa ikabubuti ng kanilang buhay.

Hindi maipagkakailang mahusay si Dahan dahil minsan na rin siyang nagwagi sa isang national art competition kaugnay sa pagpipinta.

Makikita sa kaniyang Facebook account ang iba pa niyang mga obra maestra.

Napakahusay!