Young artist sa Albay, hinahangaan dahil sa artworks gamit lamang ang mga ginupit na papel

Mga larawan mula sa FB ni Jonaly Pàdre

Umaani ngayon ng papuri at paghanga ang isang 21-anyos na artist mula sa Albay dahil sa kaniyang mga likhang-sining, na ang tanging mga materyales na ginagamit niya ay gunting, glue, at ginupit-gupit na makukulay na papel!

Ayon sa ulat ng Balita Online, ang tawag sa estilo ni Jonaly Pàdre ay “paper-quilling” na natutuhan daw niya noong siya ay 18 taong gulang.

Mahilig na talaga sa sining si Jonaly kaya naman ang kinuha niyang strand sa Senior High School ay Arts and Design.

Noong una raw, pagguhit lamang ang kinahihiligan niyang gawin, hanggang sa ipakilala ng isa niyang kaklase ang ganitong klaseng artwork sa isang exhibit. Labis siyang humanga rito at sa palagay niya, kakaiba ito.

“Na-amaze ako sa art style. Ang unique niya. Papers lang makakagawa ka na ng isang artwork,” ani Pàdre sa panayam sa kaniya.

Upang maging pulido ang likhang-sining, umaabot umano sa 3 hanggang 5 araw ang kaniyang ginugugol upang matapos ang isang obra maestra.

Hindi niya alintana ang pagkamabusisi ng paglikha nito dahil nag-eenjoy umano siya sa kaniyang ginagawa.

“Akala ko sa exhibit ko lang magagawa ‘yon pero naging hobby ko na ‘to,” ani Pàdre. “Nag-eenjoy talaga ako kapag nagpe-paper quilling kasi maraming nakaka-appreciate.”

Dahil sa angking-husay, napagkakakitaan na niya ang talento dahil marami ang nagpapakomisyon sa kaniya.

Naitampok pa nga sa “Be an Inquirer” ang kaniyang “Starry Night” ng sikat na Dutch painter na si Vincent van Gogh. Ayon sa panayam sa kaniya, isang linggo raw ang kaniyang inabot bago matapos ito.

Hinangaan din ang kaniyang bersyon ng “Disney Princesses” na talaga namang nagpahanga sa little girls.

Bilib na bilib naman sa kaniya ang kaniyang followers.

“Ang husay mo! One of a kind!”

“I’ve been admiring your paper quilling arts for a long time na and I’m so happy na nare-recognize at nano-notice na ang arts mo, I’m so proud!”

“Napakagaling! More of that, please!”