Whamos, Antonette nagpaliwanag kaugnay sa ‘painom ng tubig’ atbp; nagpasalamat na rin sa mga paalala

Matapos mag-trending ang pagpapainom nila ng tubig, paggising at pagmumulat ng mata ni Baby Meteor, hinarap ng dalawang content creator at social media personalities ang mga naging isyu at inilahad ang kanilang tugon at paliwanag sa mga bagay na ‘ikinawindang’ ng ilan nilang followers.

Sa isang video ay inisa-isa ni Whamos Cruz at ng partner niyang si Antonette Gail Del Rosario ang mga naging puna at komento ng mga followers nila kaugnay sa mga nagawa nila sa kanilang newborn.

Dahil sikat ang dalawa hindi nakapagtataka na ang kanilang journey at ang pagdating ng kanilang supling ay inabangan talaga ng kanilang followers sa socmed, lalo pa’t isinilang ito na napakagandang bata.

Laging milyun-milyong views ang nakukuha ng bawat video na ibinabahagi ni Whamos at ng Team Whamonette sa ilan nilang socmed accounts; lalo’t higit nang si Baby Meteor na ang kanilang fini-feature at ginawaan pa ng sariling Facebook page na, as of writing ay may mahigit 710K followers na.

Hindi maiiwasan na may mga makapansin ng ilang tila sablay na bagay gaya nga ng mga nabanggit sa itaas. Spontaneous kasi ang kanilang sinasabi at ikinikilos kaya hindi naman nakatitiyak na lahat ay pasok sa ‘panlasa’ at scrutiny ng bawat viewer, ‘di ba? Expected na ‘yan.

Sa isang video na ibinahagi sa FB at sa TikTok ay nakita kasi ng viewers na pinainom nila ng tubig ang sinisinok na newborn na ilang araw pa lamang naisilang. At dahil first time mom si Antonette kaya siguro mas naging concerned ang marami sa kanilang anak. Kung susumahin siguro ang mga comments sa iba iba nilang accounts, milyon na rin siguro ang dami.  🙂

Anyway, sa video ay ibinunyag nila na hindi naman talaga nila pinainom nang marami ang kanilang newborn at may basbas umano ito sa kanilang pedia. Dahil naka-formula milk pa si Baby Meteor ay patak lang ang sinabi umano ng pedia ngunit wala naman silang dropper.

Bukod pa riyan, napakaliit lang daw ng butas ng feeding bottle ng baby at halos patak lang ang lumalabas. Kaya huwag na pong mag-alala. Ngayon ay alam na alam na din nila na after 6 months pa talaga ang painom ng tubig lalo pa’t nagka-breastmilk na si Antonette.

Sinagot din nila ang tungkol sa pagdidilat nila ng mata ng kanilang anak, ang tungkol sa mittens (gloves) at iba pa. May dahilan din ang pagmumulat nila ng mata dahil ang isa ay palaging nakapikit noong una, pero ok na raw ngayon. Gumagamit rin daw ito ng mittens; natatanggal lang ng baby. Buong pagpapakumbaba naman nilang inamin na sobrang excited lang din sila sa dami ng nakasubaybay at nag-aabang kay Baby Meteor. Humingi rin sila ng pasensya.

May pakiusap lang sila sa lahat ng followers. Ina-appreciate umano nila ang mga concerns at mga payo, na binabasa nila ang mga comments at nakikinig din naman sila. Minsan pa nga ay may katanungan din sila sa commenters. Pero sana raw, ikorek na lang sila at huwag naman i-bash dahil hindi naman sila perpekto at sila lamang dalawa ang nag-aalaga sa baby nila doon.

“Sana sa susunod, kapag alam n’yong mali ‘yung tao, o yung mga magulang, ‘wag n’yo nang i-bash. Wag n’yo nang ikalat na ganito kami. Gawin n’yong perfect ‘yung tao. i-perfect n’yo ‘yung tao. na ‘sana sa susunod ganito na ‘yung gawin n’yo. ‘Wag n’yo nang gawin,” ani Whamos.

Sa dakong huli ng video ay pinagbigyan nila ang kahilingan ng followers na patingin daw ng mga gamit ni Baby Meteor. Kaya naman ipinakita nila ang mga gamit, damitan at iba pa. Makikita ring himbing na himbing ang tulog ng super sikat nang si Baby Meteor sa kanyang duyan de kuryente.

Marami naman ang natuwa sa humility nila.

“Thank you din sa inyong 2 dahil marunong kaung umintindi sa payo ng inyong mga followers. Alagaan nyo lang c meteor nang maayos at alamin nyo pa kung ano pa ang tamang paraan sa pag aalaga ng new born, in time matutunan nyo rin yan. Always staywho you are, whamos n antonette, wag kaung magbabago at marami pang blessings ang darating sa inyo   (heart emojis)  Ang lamok as they say but blessed by God.”

Panoorin ang video ng paliwanag, pakiusap at pasasalamat nila: