Vice Ganda ibinunyag na nakalimang GF siya noon; pilit nilabanan ang ‘kabekihan’

Larawan mula sa IG ni Vice Ganda

Pasabog ang naging pagbubunyag tungkol sa nakaraan ni Unkabogable Phenomenal Box-Office Superstar Vice Ganda, sa latest vlog ni dating Manila City Mayor at presidential candidate Isko Moreno na pinamagatang “Iskovery Night”!

Kinumusta ni Isko ang naging buhay ni Vice, na kilala pa noon bilang “Tutoy” at naninirahan pa sa Blumentritt bago ito sumikat nang husto.

Ayon kay Isko, bago pa man nakailala nang husto ang komedyante ay napanood na niya ito sa comedy bars sa Maynila, gaya ng “The Library” at “Punchline”.

Isa sa mga naibunyag ni Vice ay ang pagkakaroon niya ng limang ex-girlfriends noong nasa high school pa siya. Aniya, alam na niya noong bata pa siya na “beki” siya, subalit minabuti niyang magkaroon ng nobya upang “gamutin” ito.

Kuwento pa ni meme, mas natiyak daw niya sa sarili na beki siya dahil ni hindi niya mahalikan o mahawakan ang dibdib ng kaniyang mga naging kasintahan.

“I have always known, I have always felt na bakla ako. Alam ko na pero nilalabanan ko siya kasi sabi ko nga dati, maggi-girlfriend ako. I was trying to cure it until I realized-bakit ko kinu-cure eh hindi naman ‘to sakit, o disability. Hindi naman siya nagbabago, nagka-girlfriend lang ako pero bakla pa rin ako,” rebelasyon niya, na mababasa sa ulat ng Balita Online.

“Hindi ko kayang humalik. ‘Di ko kayang humalik sa labi. Hindi ko kayang humawak sa d***. Nanginginig ako na naninigas ako, I swear kinilabutan talaga ako,” natatawang pag-amin pa ni Vice Ganda.

Saka lamang daw siya nagka-boyfriend nang tumuntong na siya sa kolehiyo. Aniya, pilit niyang sinikil ang pagiging beki dahil tatlo na silang magkakapatid na ganoon. Naisip niya, baka kasi hindi na ito matatanggap ng kaniyang mga magulang kung all-out na siya.

Salaysay pa ni Vice, noon daw ay madalas siyang sinasama ng kaniyang tatay sa liga ng basketball. Pag-amin niya, hindi siya nasisiyahan sa mismong laro kundi sa mismong mga manlalaro.

Sa kasalukuyan ay makulay at masaya na ang buhay-pag-ibig ng Unkabogable Star dahil sa partner niyang si Ion Perez.

Sa noontime show nilang “It’s Showtime” inamin ng dalawa ang kanilang relasyon sa harap ng madlang pipol at mga manonood.