
“Wala kang utang na loob!”
Bata pa tayo ay naririnig na natin ‘yan, sa tunay na buhay man o sa mga palabas, — ang katagang “utang na loob” o debt of gratitude.
Gaano ba kalawak ito? Gaano kalalim? Ito ba ay utang na mahirap bayaran o utang na hindi na dapat bayaran? Mahirap sagutin, ‘di ba?
Sabi nga ng wealth coach na si Chinkee Tan, maraming tao sa paligid natin na akala natin ay bukal ang pagtulong, ‘yun pala ay may ibang intensyon at hangarin. Ang iba naman ay hinahayaan pa tayong lumubog nang husto.
Minsan, may darating na pagsubok sa buhay natin na hindi napaghandaan. Kinakapos tayo sa pinansyal kaya kinakailangan nang lumapit at humingi ng tulong mula sa iba. Ngunit, mahalagang isipin din natin kung paano natin mababayaran ito. Mahalaga ito upang hindi tayo malunod sa utang lalo na sa kahihiyan. Dahil may mga taong nananamantala ng kahinaan ng iba, dagdag pa ni Tan.
Iyan ay kung pinansyal na utang sa panahong gipit na gipit tayo. Nasasamahan pa ng ‘utang na loob’ ang pisikal na inutang.
[Mabuti nga pinautang kita noong wala kang malapitan na iba. Ako lang ang tumulong sa iyo noon, baka nalilimutan mo na?]
Maraming klase ng utang na loob na maaaring hindi mula sa usapang pera kundi sa pabor o iba pa. Ang napakahirap ay kapag masyado ka nang inilulubog sa utang na loob na pati ang iyong paggawa ng desisyon ay naaapektuhan na.
Utang na loob mula pa sa malayong nakaraan
Paano naman kung ang naniningil ay mula pa sa malayong nakaraan at ang halaga ay hindi umano matutumbasan ng salapi o materyal na bagay?
Masarap naman sa kalooban na tumanaw ng utang na loob, ‘di ba? Lalo na doon sa mga taong malaki talaga ang naitulong sa iyo o inyo noong araw. Kusang-loob ka pa ngang lilingon sa nakaraan lalo na kung gumanda na ang iyong buhay at may kakayahan ka nang kusang magbalik ng tulong.
Pero may mga nang-aabuso rin sa paniningil ng utang na loob; gaya ng true to life story na ibinahagi sa Wish Ko Lang na ginampanan ni Claudine Barretto. Kapupulutan ito ng aral.
Sa kuwento ni Manda (Claudine), dahil sa malaking utang na loob ay buong-puso niyang pinatuloy ang kanyang tiyahin at pinsan sa kanyang tahanan. Sa ilang buwang pagtuloy ng mga ito, mas bumigat ang pasanin niya dahil ang mga ito ay hindi marunong makisama. Ang mas malala, inagaw ng kanyang pinsan ang kaniyang asawa at nang kinumpronta niya at pinalayas ay pinagsisira pa ang mga gamit nila.
Panoorin:
You must be logged in to post a comment.