Sunshine Dizon sa bashers ng kanyang Kapuso comeback: ‘Wag pong kuda nang kuda, ‘di alam ang real story’

Isa sa pinakamahuhusay na Kapuso stars ng kanyang panahon ang aktres na si Sunshine Dizon at patuloy itong namayagpag hanggang sa magdesisyong iwanan ang kanyang network.

At ngayong nagbalik na ang seasoned actress sa pamamagitan ng action-adventure series na Mga Lihim Ni Urduja, bukod sa mga nagdiwang ay may mga kritisismo rin na hinarap si Sunshine.

Sa Twitter post ng @CKROfficial7, ibinahagi ang tungkol sa pagbabalik ni Sunshine sa GMA Network.

“Sunshine Dizon returns to GMA! @m_sunshinedizon is back where it all began. Abangan ang kaniyang Kapuso comeback via upcoming action-adventure series #MgaLihimNiUrduja this February on GMA Telebabad,” anunsyo nito.

Sa nasabing thread, naglabas ng saloobin si Sunshine at sinabihan ang mga bumabatikos sa kanya na huwag sana agad magsalita kung hindi naman nila alam ang buong istorya.

“‘Wag pong kuda nang kuda. Hindi mo alam ang real story,” reply niya sa isang tweet na ngayon ay burado na.

Paglilinaw ng aktres, kahit nawala siya sa GMA at naging freelance artist ay wala siyang nakasamaan ng loob at maayos pa rin ang lahat sa pagitan nila ng dati niyang tahanan.

“Wala akong na-burn na bridge. I can work with anyone I want to work with. I can also choose not to work kung gusto ko. ‘Wag masyadong nagmamarunong. TY [thank you],” aniya.

Taong 2021 nang maging freelance actress si Sunshine. Sa nasabing panahon, nakasama siya sa cast ng Marry Me, Marry You na pinagbidahan nina Janine Gutierrez at Paulo Avelino.

Wala pang masyadong detalye tungkol sa kanyang comeback program pero dito ay makakasama niya ang Encantadia requel co-stars na sina Sanya Lopez, Kylie Padilla, at Gabbi Garcia, ayon sa PEP.

Makakasama rin sa nasabing palabas ang mga Kapuso actors na sina Jeric Gonzales, Kristoffer Martin, Vin Abrenica, at Pancho Magno; ang veteran actress na si Gina Pareño; ang beauty queen-actress na si Michelle Dee; at ang dating matinee idol at seasoned actor na si Zoren Legaspi.