Mga alagang pusa, pinagbantay ng tindahan; ‘nakabenta’ naman ba?

Mga larawan mula sa FB ni Leny Cunanan

Ang mga alagang pusa ay hindi lamang pala pets na maaasahan sa paghabol at pagpuksa sa mga daga kundi… puwede rin palang gawing tindero?

Iyan ang kuwelang hatid ng Facebook post ng isang nagngangalang “Leny Cunanan” mula sa Quezon City matapos niyang i-flex ang mga alagang pusa na pinatambay niya sa bungad ng kanilang sari-sari store.

Subalit, hayun, mukhang hayahay na raw at nahimlay na sa mahimbing na pagkakatulog ang mga cute na pet cats!

“Kaya pala walang benta, mga tindera ko hayahay na!” caption ni Leny sa kaniyang FB post.

Sa ulat ng Balita Online, isinalaysay ni Cunanan na tanging mga alagang aso at pusa lamang ang madalas niyang kasa-kasama sa bahay dahil nasa trabaho ang kaniyang mister sa araw-araw.

Parang mga anak na maaasahan na talaga ang turing niya sa mga alaga.

“‘Yung stress mo tanggal sa bait at lambing nila. Kaya ‘di baleng ako tuyo ulam, oks lang. Basta sila ay makakakain nang tama,” aniya.

Kuwento pa ni Cunanan, nangyari raw ang nasa larawan tanghaling-tapat noong Sabado, Enero 21.

Umalis lamang siya saglit upang magtungo at gumamit ng palikuran kaya niya iniwan ang kaniyang mga alaga sa tindahan, hanggang sa natawa siya dahil pagbalik ay tulog na tulog na ang mga pinagbantay niya.

“Pagbalik ko po, mqa tindera ko hayahay nang natutulog,” pabirong hirit niya.

Kahit daw ang mga alagang aso niya ay tulog na tulog din, subalit wala naman sila sa tindahan kundi nasa kama.

Umani naman ito ng reaksiyon at komento mula sa netizens.

“Baka naman puyat at pinag-overtime mo sila. Pahinga naman.”

“Kakainip daw po namang maghintay kaya idlip-idlip lang sila.”

“Lugi ka na sa mga tindero at tindera mo huwag na pasuwelduhin hahahaha.”

“Puyat ‘yan kasi sekyu naman sila kapag gabi hahahaha.”

“Pareho tayo, maski hindi ako makakain basta sila meron… ganyan talaga kapag fur parent hehehe.”

Wala raw dapat ipag-alala ang mga netizen dahil hindi naman umano pinagalitan ni Leny ang kaniyang mga “tindero at tindera!”

Lubos naman ang pasasalamat ni Leni sa pagkaka-feature sa kaniyang mga alaga, ayon sa kaniyang Facebook post.