Paolo Contis inaming may relasyon na sa ‘friend’ na si Yen Santos

Mayroon na ngang espesyal na namamagitan kina Paolo Contis at Yen Santos.

Ito ang kumpirmasyon ng Kapuso aktor sa isang panayam sa telebisyon nitong Lunes; mahigit isang taon matapos ang kontrobersiya na bumabalot sa relasyon niya sa kanyang leading lady sa 2021 na pelikulang “A Faraway Land.”

Sumagot si Paolo nang tinanong ng TV host na si Boy Abunda kung girlfriend na nga ba niya si Yen, sa January 30 episode ng “Fast Talk.”

“Si Yen Santos ba ay girlfriend mo na? Oo, hindi?” tanong ng TV host.

“As a friend?” pagbibiro ni Paolo na tinutukoy ang kanyang nakaraang pahayag tungkol sa pagsama sa aktres na nag-generate ng meme sa social media.

Gayunpaman, iginiit ni Tito Boy ang seryosong sagot. “Girlfriend mo ba siya?” tanong ulit ng host.

“Yes,” seryoso nang sagot ng aktor.

Pagpapatuloy pa niyang sinabi na, “Ang sa amin kasi, what you see is what you get naman. Hindi namin puwede ipilit ‘yung tao to be happy for us. Hindi namin puwede ipilit ‘yung mga tao na paniwalaan ‘yung gusto nilang paniwalaan. Sana lang isipin nila na kung ano lang ‘yung nakikita nilang naka-post, iyon lang ‘yung truth na alam nila.”

Pinaliwanag rin ni Paolo ang timeline ng past relationship nila ng aktres na si LJ Reyes, at nilinaw rin niya na hindi si Yen ang naging dahilan ng paghihiwalay nila ni Lj.

Binigyang-diin niya na magkaibigan lamang sila ni Yen nang samahan niya ito sa Baguio City noong Setyembre 2021.

“Noong nag-Baguio kami ni Yen, nasa States na sila LJ noon. Nagmukhang baliktad because your interview with LJ came out, pero wala na kami sa Baguio noon,” sabi ni Paolo kay Tito Boy.

“So feeling ng tao, habang ini-interview si LJ, nasa Baguio ako. Pero when you were interviewing LJ, at least 10 days na silang na sa States. I left for Baguio nasa States na sila. Hindi na kami noon,” paliwanag pa niya.

Si Paolo at LJ ay may isang anak na babae. Si LJ at ang kanyang dalawang anak — kasama ang isang anak na lalaki mula sa dating relasyon sa aktor na si Paulo Avelino — ay kasalukuyang nakabase sa US.

Panoorin ang fast Talk: