Pagpapainom ng tubig, paggising kay Baby Meteor na ‘days old’ pa lang, pinuna ng mga nagmamalasakit na followers

Sikat ang mag-partner na content creator at social media personalities na sina Whamos Cruz at Antonette Gail Del Rosario kaya hindi nakapagtataka na ang kanilang supling ay inabangan ng kanilang followers sa socmed, lalo pa’t isinilang ito na napakagandang bata.

Makailang beses ding nailahad ni Whamos noon na sana ay hindi niya maging kamukha ang kanilang sanggol upang hindi nito maranasan ang panlalait at panghuhusga ng mundo tulad ng naranasan niya na tinawag ng kung ano-ano, kabilang na ang linyahang ‘mukhang lamok.”

Marami ang sumusubaybay sa journey ng love story nina Whamos Cruz at Antonette Gail Del Rosario hanggang sa tuluyan na silang mabiyayaan ng Baby Meteor nitong Enero 23 taong kasalukuyan.Laging milyun-milyong views ang nakukuha ng bawat video na ibinabahagi ni Whamos at ng Team Whamonette; lalo’t higit nang si Baby Meteor na ang kanilang fini-feature at ginawaan pa ng sariling Facebook page na, as of writing ay may 646K followers na.

Bukod sa pagiging kwela ng content creator at social media personality, mabait, mapagkumbaba at matulungin umano ito at ang partner niya. Kaya siguro mas lalo silang ‘pinuputakte’ ng mga fans at followers. Maganda rin umano ang takbo ng mga negosyo nila dahil na rin sa malakas na suportang natatanggap nila.

At dahil nga sa maraming mata ang nakasubaybay sa kanila, hindi maiiwasang may mga nakikita ang mga followers nila na ikinababahala ng mga ito, lalo na sa usaping Baby Meteor na tila ‘inampon’ na ng ‘madlang pipol.’ Parang naging baby ng masa ang kanilang anak.  🙂

Sa isang video na ibinahagi sa FB at sa TikTok ay nakita kasi ng viewers na pinainom nila ng tubig ang sinisinok na newborn na ilang araw pa lamang naisilang. At dahil first time mom si Antonette kaya siguro mas naging concerned ang marami sa kanilang anak.

“Hala pinainom kaagad ng tubig. bawal yon (worry emoji)  6months pa pwede mag inom ng water ang baby.”

“Dont give baby newborn plain water.. just feed him milk….bf good for jaundice auwww cute baby…”

“Not advisable painumin Ng water Ang NB mga momsh.. physician Asawa ko at bagong panganak lng din ako. Wag nyo Muna painumin Ng tubig. At paarawan nyo c baby para hndi manilaw, takpan Ang mata para hndi masilawan.”

“Don’t give baby newborn plain water. Just give milk to baby. Give plain water him only 6 months to up. Take good care of your baby Meteor! Happy family.”

“Parang Hindi sila na paalalahanan sa hospital na inanakan nila. Kawawa naman si baby. Sana walang masamang mangyari. Napaka cute pa naman.”

Nagbahagi pa ang ilan ng mga nakalap na impormasyon bilang paalala kung bakit delikado magpainom ng tubig sa mga sanggol na hindi pa naman kumakain ng solid food. Mga six monthss pataas lang kasi ang rekomendadong edad para dito.

Sa isa pang video ay nakita naman na ginigising nila ang kanilang anak at idinidilat pa ang mga mata nito at tinatapik sa pisngi para gumising ito at makapagpasalamat sa mga followers niya. Nag-alala naman ang ilang mga followers. Siyempre, meron ding mga bashers na wagas agad makapanghusga at lait sa dalawa pero lamang naman ang mga concerned at mga maayos na pagpuna.

“First time mom ni Antonette, natutuwa lang siguro sila sa anak nila. So don’t bash them it’s their Life. Wala tayong karapatan kung anong gusto nilang gawin. Just my Opinion.”

“Wag sana nila pinakikialaman mata ng baby pwede ma impeksyon yan..pabayaan nila na dumilat nang kusa..sensitive pa mga mata nya dahil bagong panganak sa kanya…”

“Kahit naman kami ni hubby ganyan din kami sa 1st baby namin..dala siguro ng pagkasabik namin at excitement bilang first time mom (emojis) btw love you baby Meteor.”

Samantala, nitong Enero 26, ilang araw matapos magsilang ay masayang ibinahagi ni Antonette na may gatas na rin siya kaya’t makapagbe-breastfeed na nang husto sa kanilang baby. Muli ay bumuhos ang mga payo ng mga ina kaugnay sa pagpapalakas ng gatas nito.