P5,000 cash grant para sa mga bagong graduate na naghahanap ng trabaho isinusulong sa Kamara

Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ang batas na layong magbigay ng pinansiyal na tulong sa mga bagong tapos ng kolehiyo at naghahanap pa lamang ng trabaho.

Ang naturang panukala ay likha ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar na may titulong “Fresh Graduates P5,000 One-Time Cash Grant Act” o House Bill  No. 6542.

Ayon kay Villar, layunin ng kaniyang panukala na tulungan ang mga nakapagtapos sa kolehiyo, unibersidad at iba pang training institution na magkaroon ng gagastusin habang naghahanap ng trabaho.

“This bill seeks to complement and help fresh graduates by giving them a one-time cash grant in the amount of PHP5,000 which they can use as productivity/earnest fund [for their] application for employment, transportation and settling-in amount if they get a job soonest,” paliwanag ng mambabatas.

Wika pa ni Villar, karamihan sa mga bagong tapos ng kolehiyo ngayon na nangangarap ng disenteng hanapbuhay ay hindi alam kung saan maghahagilap ng gagastusin sa kanilang job-hunting sa harap ng nagtataasang pamasahe at hirap sa pag-commute.

Idagdag pa umano rito ang kanilang isusuot na maayos na damit, mga dokumento gaya ng bio data o curriculum vitae at marami pang iba.

Para sa mga gustong makakuha ng cash grant, kailangang magpakita ng kopya ng kanilang diploma o anumang valid proof of graduation mula sa pinagtapusang institusyon.

Ang diploma o mga certificate na ito ay dapat may nakalagay na petsa ng kanilang pagtatapos, kursong kanilang natapos at kailangang may kaukulang lagda ng opisyal ng kolehiyo, unibersidad o institusyon.

“While some would label the grant as means of a dole-out, the higher purpose is actually investment in the emerging labor force which is for the best interest of the State. Similarly, it is an aegis of a caring government to provide relief and an expression of the principle of ‘Parens Patriae’—to show the State’s commitment to promote the highest interest of the Filipino youth,” saad pa ni Villar.

Lilikha rin ng isang interagency monitoring committee na pangungunahan ng chairperson ng Commission on Higher Education (CHED) na siyang gagawa ng IRR.

Kapag ang naturang panukala ay naisabatas na, ang pondong gagamitin ay ibabalangkas ng Kongreso at ito ay idadaan sa CHED.