Musikero nag-busking para sa senior citizen na kakaunti ang pumapansin, umantig sa netizens

Sa pamamagitan ng kanyang talento, ang musikero na mula sa Palawan ay nakatulong sa isang senior citizen para makalikom ito ng pera sa Baguio City noong Nobyembre 22, 2022.

Nakilala ang 24-anyos na si Armando Cortez Jr.  Aniya, nasa work trip siya nang mga panahon na iyon noong nakaraang taon. Habang nag-eenjoy sa lugar, nakita ni Armando ang pag-awit ng isang matanda sa night market.

“Napahiwalay ako sa group namin. Then nakita ko si tatay tumutugtog siya and parang walang pumapansin siya. Ako naman bilang artist alam ko ‘yung feeling na walang pumapansin sa tugtog mo and nakita ko ‘yung dedication niya, matanda na siya para gawin yung bagay na iyon tapos ganung dis-oras ng gabi,” kuwento ni Armando sa The Philippine STAR.

“Nag-enjoy ako panoorin siya. Tumambay ako roon hanggang sa makatapos siya ng two songs. Kaya lang ‘yung last song na kinanta niya before ako sumingit is ‘yung “MAPA” ng SB19. Para kasing ang sarcastic na “Papa, pahinga muna ako, ako na bahala” pero siya yung papa, siya yung tumutugtog doon. That hit me different,” dagdag pa niya.

Pagkatapos ay nagpasya si Armando na tulungan ang matanda sa pamamagitan ng pagkuha ng atensyon ng mga tao.

“Lumapit ako sa kanya, nag-abot din ako ng maliit na halaga. Sabi ko pahiram ako ng gitara nya para, wala lang, gusto ko lang maki-jam ako. Pero ang intensyon ko talaga is gusto kong agawin ‘yung attention ng mga tao para pansinin ‘yung performance ni Tatay. I grabbed his guitar, pumayag naman siya,” aniya.

“Gusto ko lang tulungan si Tatay. Matanda na si Tatay, pero baka ito lang ang kaya niyang gawin, so tulungan natin sa paraan na kaya natin,” maririnig na sinasabi ni Armando sa video bago umawit.

Habang kumakanta si lolo, limang indibidwal lamang ang nanood sa kanya. Nang kantahin ni Armando ang “Ang Huling El Bimbo” ng Eraserheads, nakuha niya ang atensyon ng mga mamimili, hanggang sa puntong napapasabay na rin sa pagkanta ang karamihan.

“The crowd sings with me. Masaya naman ako na ‘yung crowd that time, very responsive. Masaya na nakakaproud na napuno ‘yung balde ni Tatay. Kumbaga iyon ‘yung intensyon ko eh, wala kasi akong pambigay sa kaniya, pero I have the talent to call for the people na mabuhay yung heart nila na tumulong,” aniya pa.

I-click ang imahe at panoorin ang TikTok videos ng pagtugtog niya para kay Manong:

 

Sabi ni Armando, busog at masayang masaya ang puso niya matapos niyang matulungan ang matanda. Layunin niyang hikayatin ang mga tao na maging mabait araw-araw.

“Hindi naman nila kailangan na magperform din katulad ng ginawa ko pero at least mag-abot man lang sa abot ng makakaya nila. Kahit magkano, hindi naman kailangang malaki. Basta galing sa puso,” sabi pa ng band leader.