Mag-asawang Heart at Sen. Chiz, namataang magkasama sa isang klinika; magkahawak-kamay pa

Heart Evangelista at Sen. Chiz Escudero (Larawan mula sa IG)

Tila binasag na ng mag-asawang Heart Evangelista at Senador Chiz Escudero ang mga espekulasyong hiwalay na sila, matapos ulit silang maispatang magkasama sa “The Aivee Clinic” ng doctor to the celebrity na si Dra. Aivee Teo, na makikita sa kanilang opisyal na Instagram post.

Ayon sa ulat ng Balita Online, makikitang magkahawak-kamay pa ang mag-asawa habang naglalakad para sa skincare procedure na ipagagawa nila sa klinika.

Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:

“Married people go through up’s and downs and it’s normal. The important thing is that they love each other sincerely. Nothing else matters.”

“It’s nice to see Heart and her husband together again. I have been married for 25 years and I can tell its not all luvy dubby but most importantly at the end of the day we kiss and said sorry..”

“It’s good to see both of them na magkasama na ulit. It means hindi pa sila hiwalay!”

Sa isa pang ulat ng Balita Online, noong Disyembre 31, 2022 ay ibinahagi ng Kapuso star-fashion socialite na magkasama silang magdiriwang ng New Year’s Eve ni Chiz at mga anak nito sa unang misis.

“Happy 2023,” simpleng caption ni Heart sa kaniyang Instagram post.

Sa isa sa mga litratong kalakip nito, makikita ang pagkakahawak nila ng kamay ng mister.

Noong Disyembre 27, nauna nang sinabi ni Heart na uuwi siya ng Pilipinas upang makasama sa pagsalubong ng Bagong Taon ang asawa.

Hanggang ngayon, hindi pa sila nagsasalita tungkol sa mga isyung ipinukol sa kanilang pagsasama.

May tsika pa ngang kesyo nakabuntis daw ng ibang babae si Chiz, at naturalmenteng nagalit daw si Heart, lalo’t ayaw pa raw niyang magkaanak.

May mga nagsasabing wala na raw silang oras sa isa’t isa, at ikinagagalit daw ng senador ang pag-alis-alis ni Heart at pagdalo sa iba’t ibang fashion events.

Lalo pa itong lumutang nang magdesisyon si Heart na manirahan daw sa Paris mag-isa.

Ngunit sa simpleng mga post na ito ay tila natunaw na rin ang mga usap-usapan na hiwalay na sila.