Maegan Aguilar dumulog kay Sen. Raffy Tulfo kaugnay ng karamdaman, may mensahe sa amang si Freddie Aguilar

Dumulog ang anak ni Freddie Aguilar na si Maegan Aguilar sa programa ni Sen. Raffy Tulfo upang humingi ng tulong kaugnay ng iniinda niyang karamdaman.

Ayon kay Maegan, taong 2019 nang magkaroon siya ng hyperthyroidism na dahilan ng kaniyang biglaang pagpayat. Ngayon ay kinakailangan niya nang sumailalim sa surgery o RAI upang tuluyan na itong magamot.

Nakausap din ni Sen. Tulfo si Dr. Naheeda Mustofa, ang doktor na nagkumpirmang nangangailangan na ng agarang gamutan si Maegan na ngayon ay malnourished na.

“Currently, Maegan is actually in malnutrition state. Malnourished po siya ngayon and we’re really hoping na she can recover fully from this disease. We were hoping if someone can observe and confine her in a government facility for the meantime so she can have her full treatment, mas maayos sana,” paliwanag ni Dr. Naheeda.

Nangako naman si Sen. Tulfo na tutulungan si Maegan sa lahat ng mga pangangailangan niya kapag nag-negatibo siya sa drug test.

Samantala, nagpaabot din si Maegan ng mensahe sa kaniyang ama.

“Wala po kasi akong ibang tatay, kayo lang eh. Hindi ko na po alam kung paano ‘to ayusin unless maging willing kayo na tanggapin ako for who I am, what I am. Kasi ‘yun naman po ang ginagawa kahit sa magkakaibigan lang e. Tinatanggap nila ang isat isa. I am imperfect. I am flawed. I don’t know how to fix it pero sa totoo lang kasi, kailangan ko kayo ngayon,” aniya.

“Siguro, Tay, may purpose pa ako kay God, may purpose pa ako as a human being, at may purpose pa ko bilang anak nyo. Siguro Tay dapat magkaayos tayo at some point. Bago tayo mawala at wala nang chance para ayusin ang lahat,” dagdag pa ni Maegan.

Tumangging makipag-usap on air si Ka Freddie ngunit handa raw siyang kausapin nang pribado ang kaniyang anak.