Love o collab? Netizens hati ang reaksyon sa mukbang video ni Pambansang Kolokoy kasama si Gladys Guevarra.

Usap-usapan ngayon ang bagong vlog ni Pambansang Kolokoy kung saan ni-reveal niya ang “very special” na tao – ang aktres na si Gladys Guevarra sa kanyang ‘Let me introduce’ vlog.

“Guys, alam n’yo namang very special ‘yung ire-reveal ko today, and alam n’yo na kung gaano siya ka-special kaya naghanda ako ng very, very special food. Mostly itong mga ito ay kaniyang favorite,” sabi ni Pambansang Kolokoy.

Maya-maya pa ay ipinakilala na niya si Gladys.

Habang kumakain ay nagbatuhan sila ng mga tanong at bagama’t walang direktang pag-amin tungkol sa estado ng kanilang relasyon ay tinanong nila kung ano ang nagustuhan nila sa isa’t isa.

Paliwanag ng vlogger, may mga pagkakatulad sila ni Gladys na kagaya niya ay isa ring komedyante.

“Siyempre alam n’yo naman, komedyante ako, komedyante rin siya. So, dun pa lang, we have something in common na. Saka siyempre, mabait. Paggising ko ng umaga, pinagtitimpla ako ng kape, kahit ‘di ko sabihin, pinagtitimpla ako ng kape. Maalaga,” sabi niya.

Pabiro naman ang naging sagot ni Gladys sa tanong na ito. “Pareho tayong may baba. ‘Yun yata ‘yung something in common natin,” hirit niya.

Huling tinanong ni Gladys ang mga nababasa niya raw sa social media. “May mga nagtatanong sa social media, ano ba raw klaseng relationship ang meron tayo? Up to what extent ba raw ang puwede nating pakialaman sa isa’t isa?”

“Siyempre, unang-una, hindi mo pinapakialaman ‘yung mga private properties ko kagaya ng cellphone,” tugon naman dito ni Pambansang Kolokoy.

“Gusto ko lang malaman. Bago-bago lang naman tayo eh,” sabi naman ni Gladys.

Marami ang naaliw sa vlog na ito dahil napansin nila ang chemistry ng dalawa, ngunit may mga nagsabi ring naniniwala silang collab lang ito para sa content.

Kamakailan lang ay nag-post si Gladys tungkol sa pagkakaugnay niya sa vlogger.

“O shoutout sa mga nagpapaka NBI hahaha? Kumusta? May nakuha ba kayong mga ebidensya? Para sa inyo to . . . Mukha ba akong nanganak?… Tinawag mo nako’ng kabit wala ka naman alam.”

Samantala, noong isang taon ay inamin ni Pambansang Kolokoy na hiwalay na sila ng asawang si Marites Mondina.

Panoorin dito ang buong vlog ni Pambansang Kolokoy kasama si Gladys: