
Bukod sa ice cream na nasa cone, inaabangan mo rin ba noon ang ice cream sandwich na tinda ni Mamang Sorbetero?
Para sa mga batang Pinoy noon, hindi lamang pang-cone o pang-cup ang ice cream, kung hindi para rin sa tinapay. Kapag humihinto dati ang nagtitinda, marami sa kanila ang bumibili ng “ice cream sandwich” o sorbetes na nakapalaman sa isang malaking tinapay. Madalas ay bun ang ginagamit dito at parang hamburger na ang palaman ay hindi burger patties kung hindi sorbetes.
Mayroon ding mga bata na ine-enjoy ito sa bahay. Naglalambing sila sa mga magulang nila at yayayain ang mga ito na bumili ng isang galon ng ice cream, at saka dadaan sa panaderya upang magpabili naman ng mainit na pandesal o hindi kaya ay monay.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, nagbalik-tanaw sa kahapon ang mga social media user na naging paborito rin meryenda noon ang ice cream sandwich.
“Sarap niyan! Nakita ko mga classmate ko way back 1981. Iyon ang snack nila sa umaga, nakita ko sarap na sarap sila kumain. Sabi ko sa sarili ko, try ko nga. Wow! Super! Simpleng pagkain pero walang katumbas na kaligayahan ang dala sa mga bata!” pagbabahagi ni M. Molleno.
Nagsimula na bago pa man naging sobrang patok noong dekada 90, hanggang ngayon ay marami pa rin daw ang bumibili o gumagawa nito. Ang mga batang natakam at nag-enjoy dito noon, ngayon ay kinatandaan nang ito ang paborito at may mga nagpamana na rin sa mga anak ng hilig na ito.
Ikaw, nahilig ka rin ba rito noon? Paborito mo pa rin ba ito hanggang ngayon?
You must be logged in to post a comment.