Guwapong buko juice vendor mula sa Iloilo City, ‘nagpauhaw’ sa netizens!

Larawan mula sa FB ni Frenchant Camino

Ang pagtitinda ng isang produkto bilang negosyo o pinagkakakitaan ay hinahaluan din ng “gimmick” o iba’t ibang paraan upang makahikayat ng customer.

Ang iba, may “Buy 1 Take 1, 2 o 3 promo”.

Ang iba, idinaraan sa patawa, pagpapaganda ng tinig, o mga “hugot lines” upang makahikayat ng parukyano.

Subalit, may ilan talagang biniyayaan ng likas na charm at dating, kaya kahit wala pa silang sinasabi, napapabili na sa kanila ang mga mamimili.

Kagaya na lamang ng isang kinakikiligang guwapong tindero ng naka-plastic bottle na buko juice na namataan ng isang babaeng netizen sa Parol Ferry Terminal sa Fort San Pedro, Iloilo City, na ibinahagi sa Facebook post ni “Miss Yan Salvador”.

“Kung amo ba naman ni kagwapo ang gabaligya BUKO JUICE, hindi kapa ayhan magbakal. Jusko 10 ka Gallon dayon! Charot!” aniya sa kaniyang FB post, na ang ibig sabihin, kung kagaya lamang daw ni Kuya ang nagbebenta ng buko juice, ay talagang mapabibili ka, kahit 10 galon pa!

Hindi tiyak kung alam ba ng naturang buko juice vendor na kinuhanan siya ng litrato ng netizen, subalit mabilis na nag-viral ang kaniyang mga litrato, at sinaliksik kaagad ng ibang mga curious na netizen kung sino siya.

Napag-alamang ang pangalan niya ay “Frenchant Camino”. Sa katunayan, ibinahagi pa niya sa kaniyang mismong Facebook post ang mga balita ng iba’t ibang online news sites at social media pages tungkol sa kaniya.

Nagpasalamat naman si Frenchant sa nagpa-viral sa kaniyang netizen, at sinabing hindi raw niya inaasahang marami ang kikiligin sa kaniya.

Hati naman ang naging saloobin at komento ng mga netizen, ayon sa naging ulat ng Balita Online.

“Unfair naman! Bakit yung ibang nagbebenta ng buko juice hindi naman nagba-viral hahaha.”

“Porke guwapo, bibilhan na hahaha.”

“Iba rin si Kuya! Face lang ang puhunan…”

“Eh kasi kapag alam mong malinis at presentable ang nagtitinda, mapapabili ka talaga kasi parang ginagarantiyang malinis din ang buko juice niya. Hahaha.”

Dahil dito, inaabangan na tuloy kung kailan siya maitatampok sa news magazine show na “Kapuso Mo Jessica Soho” o KMJS sa GMA Network.