Guro, hinangaan dahil may pa-‘drop your phone, pick a snack’ sa advisory class

Mga larawan mula sa FB ni Flerida C. Dela Cruz

Sinasabing ang mga guro ay tumatayong pangalawang magulang ng mga mag-aaral kapag sila ay nasa paaralan. Bilang mga “magulang,” likas lamang na alalahanin ang kapakanan ng mga “anak.” Gagawin ang lahat para sa kanilang ikabubuti.

Kaya naman, hinangaan ng mga netizen ang gurong si Teacher Flerida Capistrano Dela Cruz, 39 taong gulang at residente sa Project 4, Quezon City, at guro ng  asignaturang Filipino 9 sa Jose P. Laurel Sr. High School, dahil sa kaniyang libreng snacks para sa advisory class na nakatakdang kumuha ng kanilang pagsusulit.

Ayon sa ulat ng Balita Online, ibinahagi ni Teacher Flerida ang isang larawan kung saan makikita sa ibabaw ng kaniyang kinauupuang teacher’s desk ang dalawang kahon.

Ang unang kahon ay may label na “Drop your phone” habang ang pangalawang kahon naman ay may nakalagay na “Pick a snack” matapos isilid ng mag-aaral ang kanilang cellphone sa unang kahon.

Ayon sa panayam sa kaniya, panuntunang pangklase nila na ilalagay sa kahon ang cellphones o gadgets ng mga mag-aaral habang sinasagutan ang pagsusulit upang hindi nila ito magamit sa “cheating.” Kaya nga’t may pa-hashtag pa siyang “#TapatDapat.”

Upang mahikayat naman ang mga mag-aaral na pagbutihin ang kanilang pagsagot, naisipan ng gurong tagapayo na bumili ng snacks at ilibre sila.

Alam kasi ng butihing guro na marami sa kanila ang pumasok na hindi pa kumakain o kumakalam ang sikmura nang mga oras na iyon.

“Naisipan ko magpa-snack during exam para ma-motivate ang mga bata na magbasa at huwag madaliin ang pagsagot sa pagsusulit. Magsagot sila nang buong katapatan at pagsisikap. (kaya may hashtag po na #tapatdapat),” saad ni Teacher Flerida.

“Pangalawa para ipagkatiwala nila sa akin ang kanilang cellphone at wag itong gamitin during exam. (nooong 1st quarter exam nila confiscated din naman ang kanilang cp during exam kaya lang walang free snack. Ngayon medyo level up na, may kapalit na po haha),” dagdag pa niya.

Adbokasiya rin ng guro ang “Sharing is caring.”

“Pangatlo, para i-promote sa kanila ang ‘sharing is caring.’ Ako po ang adviser at 1st period class teacher nila, madalas po may mga nahuhuli sa klase… minsan yung iba di pa kumain, simple way ng pagmamalasakit at pagbabahagi ng blessing ni Lord.”

“Sa ganito din pong paraan ay makikita po ng mga mag-aaral na kaming mga guro ay hindi lang nagtuturo… kami ay tunay na pangalawang magulang na handang magbigay ng higit pa sa kaalaman.”

Marami sa mga kasalukuyan at dating mga mag-aaral ni Teacher Flerida ang natuwa, humanga, at lubos siyang ipinagmamalaki sa lahat.

Mabuhay ka, Teacher Flerida! Sana ay dumami pa ang mga kagaya ninyong guro!