Food art gamit lamang ang choco spread at toothpick, kinabiliban ng netizens

Mga larawan mula sa FB ni Jaypee Magno

Kinabibiliban ngayon ng mga netizen ang food art ng isang seafarer at artist na nagngangalang “Jaypee Bacera Magno” matapos niyang iguhit ang mukha ni Hesukristo sa ibabaw ng isang tinapay.

Paano nangyari iyon?

Kumuha lamang siya ng chocolate spread (sosyal dahil “Nutella” pa!) at isang toothpick, at siyempre, ang white bread na pagguguhitan niya.

Natuwa naman ang mga netizen dahil ang iginuhit ni Jaypee sa tinapay ay mukha ni Hesukristo. Nilagyan niya ito ng caption na “Bread of Life” sa kaniyang Facebook post.

Ayon sa panayam ng Balita Online kay Jaypee, musmos pa lamang daw siya ay mahilig na siyang gumuhit.

May ilan din siyang food art na condiments naman ang kaniyang ginamit. Aniya, nabigyang-inspirasyon siyang gumawa ng food art dahil sa kaniyang trabaho bilang seafarer. Nakatalaga kasi siya sa kusina.

Kadalasang ginagamit niyang midyum sa pagguhit ay charcoal pencil, graphite pencil, at oil pastels.

Sinubukan lamang daw niya ang palaman sa tinapay.

“Mahilig lang po akong magdiskubre ng iba-ibang medium sa pagguhit. Dahil sa kusina po ako nagtatrabaho, sinubukan ko pong gamitin ang ibang condiments at palaman. At naisipan ko pong gawin ang ganitong obra kasi sa mga oras ng aking kabiguan sa buhay, di ako pinababayaan ng Diyos,” kuwento ni Jaypee Magno sa Philippine Information Agency. 

“Yung pagtatrabaho ko po sa kusina ang nag-inspire sa akin na gumawa ng Food Art,” salaysay naman ni Jaypee sa Pilipino Star Ngayon Digital.

Noong 2022, kinabiliban din ng mga netizen ang pagguhit niya ng “The Last Supper” gamit ang chocolate spread sa ibabaw naman ng pinggan.

“Husay mo!”

“Very talented, keep it up!”

“Nakakatuwa na religious things ang iginuguhit mo. Naibabalik mo ang papuri at pasasalamat sa Dakilang Lumikha.”

Dahil sa taglay niyang talento ay naitampo na rin siya sa “iBilib” ng GMA Network na hino-host ng dating professional basketball player na si Chris Tiu, noong 2021.