
Kamakailan lamang ay humupa na ang isyung kinasangkutan ng aktres, TV host at vlogger na si Alex Gonzaga sa mismong araw ng kaniyang kaarawan.
Tungkol ito sa ginawa niyang pagpahid ng icing ng cake sa noo ng server na si Allan Crisostomo, na siyang may bitbit ng kaniyang cake sa idinaos na birthday party para sa kaniya.
Ang kuhang video ay ibinahagi sa Instagram story ni Dani Barretto, kapatid ni Julia Barretto at anak nina Marjorie Barretto at Kier Legazpi. Agad din niyang binura ito subalit huli na ang lahat, dahil nakakuha na ng kopya nito ang mga “marites” online, hanggang sa kumalat, pinag-usapan, at halos ipako sa krus si Alex.
Makalipas naman ang ilang araw ay lumabas ang larawan ng pirmadong statement letter ni Allan kung saan sinabi niyang “okay” na sila ni Alex at humingi na ito ng dispensa sa kaniya.
Ilang oras lamang, nag-post naman si Alex ng public apology.
Unti-unti ay humupa na ang isyu, subalit muli na naman itong nakatkat matapos kumalat ang TikTok video ng celebrity make-up artist na si Astrud Gil S. Lontoc (astrudtv) na imbitado sa pagdiriwang ng kaarawan ng beteranang aktres na si Dina Bonnevie.
Makikitang hawak ng isang waiter ang birthday cake ni Dina at bago niya hipan ang mga kandila, sinabi niya sa waiter na “Hindi kita papahiran ng cake, magpapasalamat ako sa’yo.”
“Cakes are to be eaten and not to be pasted on other people’s faces,” dagdag pa niya.
Ayon sa ulat ng Balita Online, dahil dito ay muling nauungkat ang isyung hindi pa ganap na natutuldukan sa pagitan ng dalawa.
Ito ay ang video ng umano’y patutsada ni Dina sa isang “starlet” na nakasama nila sa isang serye, na late dumating sa set. Tinalakan daw niya ito sa harapan ng mga kasama. Naniniwala ang mga netizen na bagama’t walang binanggit na pangalan, ito ay walang iba kundi si Alex.
At bago matapos ang 2022 ay pinag-usapan ang podcast ni Alex kung saan isiniwalat niya ang ginawang pambubulyaw sa kaniya ng “artistang matanda” sa isang taping. Wala siyang tinukoy na pangalan subalit napagtagni-tagni ng mga netizen na ito raw ay si Dina.
Hanggang ngayon, tikom pa rin ang bibig ng dalawa tungkol sa mga isyung ito.
You must be logged in to post a comment.