Mosyon ni Deniece Cornejo hinggil sa piyansa ni Vhong Navarro ibinasura ng korte

Ibinasura ng korte sa Taguig City ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Deniece Cornejo na humihiling na baliktarin nito ang naunang desisyon na pinapayagang makapagpiyansa si Vhong Navarro.

Sa desisyong inilabas ni Judge Loralie Cruz Datahan ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 nitong Huwebes, Enero 12, sinabi ng korte na wala umanong ‘conformity’ mula sa public prosecutor ang MR na inihain ni Cornejo kaya wala itong merito.

Pinagbatayan din ng korte ang nauna nitong ruling kung saan nasasaad na kapag hindi nagbigay ng ‘conformity’ ang public prosecutor sa hiling ng isang panig, ang naturang panig ay walang legal na personalidad para maghabol sa kaso.

“In this case, there is no conformity from the public prosecutor. This circumstance was not denied by the private respondent. Private respondent merely claimed that the Office of the Prosecutor did not object to the filing of the Motion to Reconsider,” paliwanag ng korte.

Noong Disyembre ay naghain si Deniece ng MR para hilingin na baliktarin ng Taguig court ang nauna nitong desisyong payagan na makapagpiyansa si Vhong.

Kalakip rin ng naturang MR ay ang hiling nito na pabalikin sa kulungan ang comedian-host at mag-inhibit sa kaso ang nasabing korte.

Noong Disyembre 6 ay pansamantalang nakalaya ang ‘It’s Showtime’ host matapos pumayag ang korte na siya ay makapaglagak ng halagang P1-M bilang piyansa para sa dalawang kasong isinampa laban sa kaniya ni Deniece.

Setyembre noong nakaraang taon nang sumuko sa NBI ang komedyante matapos aprubahan ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ng kampo ni Deniece na kumukwestyon sa naging desisyon noon ng Department of Justice (DOJ) na siyang nagbasura sa nauna niyang reklamo.

Samantala, sa Pebrero 16 ay nakatakdang muling magharap ang dalawang kampo para sa susunod na pagdinig ng korte.

BASAHIN: Vhong Navarro nahikayat ni Ogie Alcasid na sumali sa kanilang worship group