Carla Abellana may makahulugang post sa Instagram: ‘A day I’ll never forget’

Napaisip at hindi mawari ng mga fans ni Carla Abellana ang tila makahulugang post ng kanilang idolo sa Instagram noong isang araw.

Nitong Miyerkules, isang maikling video clip ang ibinahagi ni Carla sa Instagram subalit mas tumawag ng pansin ang kaniyang caption dito.

“A day i’ll never forget [heart emoji]”, ayon sa simpleng caption ng Kapuso actress.

Marami naman ang pumuri sa walang kupas na kagandahan ni Carla kabilang na ang kapwa-aktres na si Bea Alonzo na nag-iwan ng komentong ‘pretty!!’

Gayunpaman, walang nakaalam kung bakit ang Enero 25, na siyang petsa ng kaniyang IG post, ay isang araw na hindi niya makalilimutan.

Kabilang sa mga espekulasyon ay maaaring may kinalaman ito sa hiwalayan nila ng dating mister na si Tom Rodriguez.

Ayon sa PEP.ph, Enero 25 noong nakaraang taon nang una nilang iulat ang tungkol sa hiwalayan nina Tom at Carla, tatlong buwan lamang ang nakararaan matapos ang kanilang kasal.

Sa loob ng ilang buwan, nanatiling tikom ang bibig ng dating mag-asawa hanggang ang ama ni Carla mismo na si Rey ‘PJ’ Abellana ang unang umamin sa estado ng kanilang relasyon noong Marso 2022.

Hunyo 2022 naman nang halos magkasunod na kumpirmahin nila ang hiwalayan kabilang na ang pagtanggi ni Tom sa mga espekulasyon na sinaktan at pinagtaksilan niya ang kaniyang ex-wife.

Makaraan ang ilang buwan, tila naka-move on na rin kapwa sina Tom at Carla mula sa kanilang break-up.

Katunayan nito, nagpaunlak si Carla na kapanayamin ni Luis Manzano kung saan napag-usapan ang tungkol sa kaniyang personal na buhay.

BASAHIN: Carla Abellana naniniwala pa rin sa ‘love’ sa kabila ng pinagdaanang pagsubok sa marriage life

Bagama’t hindi tuwirang nabanggit sa interview ang pangalan ng kaniyang estranged husband, dito ay sinabi niyang marami raw siyang natutunan sa kaniyang mga pinagdaanan sa buhay subalit ang pinakamahalaga rito ay hindi talaga natin alam kung ano ang mangyayari sa atin.

Samantala, sa Instagram naman noong Disyembre ay nakiusap si Tom sa mga netizens na sana raw ay huwag nang banggitin ang pangalan ng kaniyang ex-wife na si Carla Abellana sa comments section ng kaniyang posts.

BASAHIN: Tom Rodriguez nakiusap na ‘wag nang banggitin ang pangalan ni Carla sa mga IG posts niya