‘Walang paligoy-ligoy’: Asong umeksena sa mga kabataang nagti-TikTok kinaaliwan sa socmed

Naghatid ng katatawanan sa social media ang video ng tatlong kabataang babae na kinukunan ang kanilang sarili habang sumasayaw dahil nauwi ito sa kakaibang ‘twist’.

Sa video clip na ibinahagi ni Ezrah Anaya sa Facebook noong isang araw, makikita silang nakatayo habang pumupormang sasayaw sa ‘Paligoy-ligoy’ ni Nadine Lustre sa harap ng cellphone.

Subalit makaraan lamang ang ilang segundo habang umiindak ay makikitang dumaan ang isang aso sa harap mismo ng kanilang cellphone at talagang doon pumuwesto para umihi.

Dahil dito biglang nagkagulo sina Ezrah at kandaugaga sa pagsaway sa naturang aso upang hindi nito maituloy ang kaniyang ‘masamang balak’ at mailigtas ang kanilang cellphone sa tiyak na kapahamakan.

Hindi rin mapigilan ng magkakaibigan na matawa na lamang sa kinauwian ng kanilang naudlot na sayaw.

Good vibes at katatawanan ang hatid sa netizens ng kanilang video na may caption na “d ko na sala ha” at nag-viral matapos nilang ibahagi sa Tiktok at sa Facebook kung saan humamig ito ng mahigit 53K views, 61K shares at 3.8k reactions.

Narito ang ilan sa komento ng mga netizens:

“Gagi di man lang pinapatapos umihi ung Aso Hahahahhaha.”

“Magkakasakit sa bato yung aso sa ginagawa nyo.”

“Pa tiktok pa daw kau ah eksena muna si doggy.”

“Gusto ng aso itlog nyan naman sumikat puro kayo sayaw dyan.”

“Scripted pati aso tinuruan hahaha.”

Sa panayam naman ng Pilipino Star Ngayon Digital (PSND), sinabi ni Ezrah na maging sila ay nagulat na lang sa biglang paglapit ng aso dahil pabalik-balik na ito.

“Actually po di talaga namin in expect na ganon po yung mangyayare kase naka ilang take napo kami kase ilang beses na pabalik-balik yung aso tas nung pangatlo nyang daan umihi napo siya,” kuwento niya.

Nilinaw rin ni Ezrah na hindi nila sinaktan ang hayup; bagkus ay tinapik lang ng kaniyang kasama para hindi maihian ang cellphone.

Panoorin: