Andrew Schimmer ibinahagi ang ginawang pag-alala sa 40 days ni Jho Rovero

Ibinahagi ng aktor na si Andrew Schimmer ang ginawa nilang pag-alala sa ika-40 araw ng pagkawala ng partner niyang si Jho Rovero.

Sa isang YouTube video ay ipinakita ni Andrew ang ginawang padasal ng kanilang mga mahal sa buhay para kay Jho.

“Guys, dinalaw namin si Mommy niya today kasi today yung ika-40 days ng aming mommy. Ang bilis ng araw. Ganun ganun lang, 40 days na agad. Kakatapos lang kasi naming magpa-mass kanina. So, after nung prayer, kaunting salu-salo. Kaunting kainan. Tapos uwian na ulit,” aniya.

Disyembre 2022 nang ibahagi ni Andrew ang malungkot na balitang tuluyan nang namalaam si Jho matapos ang mahigit isang taong pagkaka-confine nito sa ospital.

Kuwento niya, nasa taping siya ng Family Feud nang matanggap ang balitang bumaba ang oxygen saturation ni Jho kaya nagmadali siyang umalis papuntang ospital.

“Dali-dali naman tayong dumating dito. Inabutan natin siyang nirerevive nung ating doctors and nurses. They did everything they could. Masakit lang. Gusto ko lang ibalita sa inyo.”

Labis itong ikinalungkot ni Andrew lalo na at hiling sana ng bunsong anak nila na makasama si Jho sa kaarawan nito. Bago rin iyon ay sinabi ni Andrew na ang paggaling ng kaniyang partner ang regalong gusto niyang matanggap noong Pasko.

Samantala, noong New Year naman ay binalikan ni Andrew ang naging tradisyon nila ni Jho matapos magkasiyahan sa pagsalubong sa Bagong Taon.

“Every New Year, after midnight, remember? Lagi tayong nagwa-wine together. Pag ang lahat ay tahimik at nag-uuwian na, it’s our own personal time. We talk and laugh about everything,” pagbabalik-tanaw ni Andrew.

“You were always there, my dear, to offer your ears to me. Well, I’m still here, my love. The only difference this time is, ako na lang mag-isa. Ang hirap pala mami magsalita mag-isa nang wala kang kausap. Hindi sumasagot ‘yung picture mo. Ang daya-daya niya,” dagdag niya pa.

Panoorin: