
Gaano ba kahalaga ang ‘parenting’ sa isang pamilya? Nagkakausap ba ang mga magulang at anak? Nagkakakuwentuhan?
Isang Facebook post mula sa Daddy Diaries PH ang pumukaw sa atensyon ng online users.
“Nakwekwentuhan mo pa ba ang anak mo bago matulog?”
Makikita ang kalakip na larawan ng ama at ng anak niyang babae. Masaya silang tignan, ‘di ba? Mukhang nagkukuwento si Daddy ng nakatutuwang istorya kaya tawang-tawa ang kanyang anak.
Pagpapatuloy ng ama, “Sana nasa kaugalian pa din natin na bago matulog, kahit paminsan lang ba. na nakwekwentuhan pa din natin ng mga bed time stories ang ating mga anak.
“Yung tipong nakakamusta natin yung araw nila. Yung natatanong natin sila kung ano nangyari sa school.
“Madalas kasi ngayon. Bago matulog Gadget ang hawak nating mga magulang. Nakakaligtaan na natin kumustahin, kwentuhan ang mga bata.
“Sana bago matulog makwentuhan natin sila ng mga storyang nakakatawa, kwentong nakakatakot, mga kwento nung kabataan natin.
Sana, Sana. Ep. 236″
Napapanahong paalala ito ngayon dahil kadalasan, humahapit ang mga magulang sa trabaho o negosyo para maitaguyod ang pamilya pero nagkukulang na sa pansin at arugang emosyonal ang mga anak. Sinisikap tugunan ang biological needs ng lahat at pag-aaral pero hindi na nagagabayan ang anak sa mga pag-uugali at asal. Bihira na kasing magkausap?
Ipinupunto ng ama na mahalaga ang aspeto na ito ng komunikasyon at bonding time. Ang panahon kasing lumipas ay mahirap nang balikan kaya’t habang maliliit pa ang mga anak ay bumuo na tayo ng magandang relasyon sa kanila. Isa ang pagkukuwento ng bedtime stories na nauuwi rin sa palitan ng kuwento.
Iwasan nating may gadget kapag ginagawa ito. Bigyan ng kalidad ang oras na nailalaan dito. Gustong-gusto ng mga bata ang mga kuwento; mula man sa mga alamat, aklat o karanasan ng magulang noong kabataan nila. Higit pa sa kuwento ang impact nito sa mga anak na babaunin nila hanggang sa paglaki.
Masaya naman si Daddy D sa ilang nagkomento at nag-react sa kanyang paalala. Aniya, “Nakakatuwa basahin mga comments. May mga nagbe bedtime stories pa din (prayer emoji) apir sa inyo mga mommies at Daddies.”
Aba, sumagot dito ang Mommy Diaries PH. “Ang dami natin kwento kanina haha puro horror stories nga lang😂 isip ako mas nakakatakot bukas haha”
Tumugon si Daddy D, “hindi ka nagkwento nanakot ka lang.” (Yes, mag-asawa po sila na creator ng pages).
Pagsang-ayon naman ng ibang parents na netizens:
“Same po, minsan pag napasarap kami sa kwentuhan aabot pa minsan ng madaling araw hahahah (laugh emoji)”
“Yes!! Same with us 🥰 bed time stories and counting numbers kami bago mag sleep then may kaunting harutan.. at nakaugalian na din ng mga anak ko na before mag close ng eyes nila mag good night hug and kiss Muna (love emojis):
“Kami po pero hindi bedtime stories 😊 lagi namin tinatanong kung ano po ginawa niya maghapon, kahit di namin masyado maintindihan sinasabi niya pinakikita namin interested kami sa ginawa niya buong araw…nakatutuwa may action pa siya habang nagkwekwento.”
Maraming nakatutuwang kuwento at aral sa Facebook page ng dalawa. Bisitahin lamang ang Daddy Diaries PH at Mommy Diaries PH para sa iba pang parenting tips at inspiring posts.
From experience naman ng isang lola (ako) na may apat na anak at apat nang apo, learning things together, spending time together at maraming masayang kuwentuhan bukod sa bedtime stories ang nagpatibay sa relasyon naming mag-iina hanggang sa ngayon. Bukas ang aming komunikasyon sa kahit anong bagay at kahit na ano pang problema ang dumating. Take note, nagsimula lang sa regular na bedtime stories noong araw (’80s! (wink)
You must be logged in to post a comment.