Alex Gonzaga, imbyerna raw kapag nauunahang umiyak ni Nadine Lustre sa mga eksena nila noon

Alex Gonzaga at Nadine Lustre (Screengrab mula sa YouTube channel/IG)

Marami ang nagulat sa naging matapang at diretsahang pag-amin at pagsasalaysay ng beteranang aktres na si Dina Bonnevie hinggil sa pinag-usapang pa-blind item niya sa isang nakatrabahong co-star na “nag-prima donna” sa set, na naikuwento naman niya sa harap ng press noong 2018.

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, walang tinukoy na pangalan si Dina subalit malakas ang paniniwala ng mga netizen na ang tinutukoy niya ay si Alex Gonzaga.

“Talagang sinabihan ko siya, ‘Who do you think you are? Are you famous? Who are you? What name have you made? Have you carved your name in stone in showbiz? Your call time is 9:00 and you come down from your van at 12:00 na naka-pajama? Really? Sabi ko sa kaniya, ‘Hindi pa pinapanganak ang babastos sa akin’. If you want to continue taping this soap like this, do it yourself…”

Nang sumagot daw ito na isusumbong siya nito sa nanay niya, “Sige papuntahin mo rito, mag-showdown kami ng nanay mo…”

Naungkat ang video ng panayam kay Dina dahil naman sa podcast ni Alex noong Disyembre 2022 na may titulong “I Am Always The Bad Guy.” Dito nga ay naibahagi niya ang tungkol sa isang “artistang matanda” na pinagsisigawan umano siya sa harapan ng lahat, nang sila raw ay nasa set ng taping.

“So there was a time, when I was in early 20s, mag-21 ako, I was so traumatized, pinagsisigawan ako ng isang artistang matanda… pinagsisigawan niya talaga ako from head to foot, everything, kasi akala niya galing ako sa bahay late lang ako, hindi niya alam na galing ako sa work kasi siguro hindi sinabi sa kaniya,” bahagi ng pahayag ni Alex.

“And then after how many years, she’s painting me as the bad guy, na deserve ko. Yung pinapanood ko, I think hindi ako ‘yan, pero parang yung kuwento ko ang sinasabi niya, pero mali yung kuwento niya. Di ba may mga gano’n? May mga tao na who did you wrong, or who traumatized you, and then you don’t even talk about it, parang you would just let it be, and then pag sila pa ang nagkuwento, sila pa yung mabait, ikaw pa yung masama, parang ibang-iba na yung kuwento.”

“So naisip ko, anong kailangan kong gawin kapag ganoon? And then ang daming umaagree… wala… kasi alam ko naman yung katotohanan eh,” aniya pa.

At sa huling araw ng Enero ay diretsahan na ngang idinetalye ni Dina sa “Fast Talk with Boy Abunda” ang tungkol dito.

Nabanggit pa ni Dina na minsan daw ay hindi makaiyak si Alex sa mga eksena nila, kaya napagsabihan niya ito. Aniya, kaya hindi raw ito makaiyak ay dahil hindi ito attached sa emosyon ng karakter niya.

Nagagalit pa nga raw ito kay Nadine Lustre noon kapag mas nauuna pa itong umiyak kaysa sa kaniya.

“Nagagalit siya kay Nadine (Lustre) kung nauunang umiyak si Nadine. Eksena daw niya ‘yon,” ani Dina.

Agad namang nag-trending sina Nadine Lustre, Alex Gonzaga, Dina Bonnevie, at maging ang Fast Talk with Boy Abunda dahil dito.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Nadine o Alex sa isyung ito.