Favorite mo rin ba? Ang 90s sweetened milk powder na Mik-Mik

Kabilang ka ba sa mga batang Pinoy na tumangkilik ng sweetened milk powder na Mik-Mik noong dekada 90? Kahit nasa small sachets lang, napakalaki ng naging parte ng Mik-Mik noon sa mga batang 90s.

Mabibili sa presyong abot-kaya ng mga bata noong dekada 90, mayroon itong iba’t ibang flavors: milk, chocolate, at ube. Kahit minsan ay nakasasamid o nakauubo, gustong-gusto pa rin ito ng marami noon.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga social media user ang mga alaalang nakakabit sa pagkaing ito na patok na patok sa mga batang Pinoy noon.

“‘Di ko mabilang ang dami ng beses na nasamid ako riyan,” kumento ng netizen na si A. Ronario.

“Kada kain ko nito hindi talaga puwedeng hindi ako maubo,” pagbabalik-tanaw ni R. Samus.

“Mik-Mik for life hanggang may lumabas sa ilong,” biro ni A. N. Nagal.

“‘Yong ‘di ako pinaglaro dahil akala may hika ako. Hahahaha nasamid lang naman!” pagbabahagi ni B. G. Velasquez.

Natatawang sabi nila, masarap naman daw kasi ang lasa kaya walang kaso kung masamid man sila o maubo sa pagkain nito. Sa katunayan, nakadadagdag pa raw ito ng saya lalo na kapag marami sila na nauubo at nagtatawanan sa epekto nito.

Samantala, may mga nagsabi rin na puwede na itong maging sukatan ng edad. Pagbabahagi ng iba, naabutan pa nila ito na ipinagbibili sa halagang 50 sentimo lamang, hanggang sa naging piso isa na ang bentahan nito sa mga sari-sari store.

“My favorite noon. Dalawa piso ngayon isa na lang,” sabi ni J. Lagare.

Pero kahit ganoon, kayang-kaya pa rin naman daw nila itong bilhin gamit ang kani-kanilang mga baong pera at madali pa rin silang napagbibigyan kapag humihingi sa magulang nila.

Sa kasalukuyan ay bihira nang makakita ng Mik-Mik kaya naman kung hilig mo ito at may nasaktuhan ka na nagtitinda nito, mas mainam kung damihan mo na ang iyong bibilhin.