9 hours na bakanteng oras sa schedule ng isang irregular student, umani ng reaksiyon

Larawan mula sa FB ni Christel Joyce Lamsen via Balita Online/Manila Bulletin

Usap-usapan ngayon ang ibinahaging schedule ng isang netizen na si “Christel Joyce Lamsen”,  isang irregular student ng Far Eastern University (FEU) sa Morayta, Maynila, dahil sa napansin dito ng mga kapwa netizen.

Aniya sa kaniyang Facebook post, nakakaloka naman kasi na dalawa lamang ang subjects na kailangan niyang kunin, subalit sobrang layo naman ng agwat nito sa isa’t isa.

Ang siste tuloy, 9 na oras siyang maghihintay sa pamantasan. Mas mahaba ang itatambay niya kaysa sa papasukan niya!

“I am an irregular student which means I have to enroll each course and I am free to choose my own schedule, however, na-late po ako mag-enroll ng mga courses at nahirapan akong pumili ng mahuhusay na professor kaya naubusan ako ng magandang slot,” saad ni Christel sa panayam sa kaniya ng Balita Online.

Aminado ang mag-aaral na nadismaya siya pagkakita sa kaniyang schedule, subalit wala naman siyang magagawa.

Siya ang irregular student, at huli na rin siyang nag-enroll, kaya kailangan na lamang niyang isipan ngayon kung paano gagawing makabuluhan ang kaniyang pananatili nang matagal na oras sa FEU.

“Sa mga kapwa ko estudyante, maging maagap tayo sa pag-eenroll at kung sakaling magaya kayo sa akin na mayroong ganito kahabang vacant, I suggest to read books, take a rest or explore other activities.”

“Hindi biro yung 9 hours, marami tayong pwedeng gawin na makabuluhan, pero kung pagod ka na sa acads, pwede namang gumaya sa iba at maglakwatsa muna, basta huwag kakalimutang gumala responsibly,” ani Christel.

Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens na mababasa naman sa comment section ng Manila Bulletin.

“Mag trabaho ka in between sa fast food restaurant.”

“It means kahit dalawa lang subjects mo, puwede mo gamitin ang oras to study at mag-comply ng requirements sa mga oras na ‘yan.”

“Kapag may thesis ka na dear, for sure, kulang ang 9 na oras na ‘yan, at magpapasalamat ka na at least, may oras kang ganyan habang nasa school ka!”

Ikaw, anong gagawin mo kung sa iyo nangyari ito?