
“Pera na, naging bato pa?”
Masaklap ang naranasan ng netizen na si “Jonathan De Vera” matapos niyang hindi sinasadyang maplantsa ang isang libong pisong polymer banknote na nasa loob pa pala ng bulsa ng kaniyang cargo pants. Nakaligtaan na niya ito kaya’t hindi na niya naialis nang labhan ito.
“Isang nakakaasar na kaganapan. Basahin at intindihin, wag tularan,” caption niya sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Enero 10.
“Naiwan ko sa bulsa ng pantalon ko ang 1000 na polymer. It so happen na nagplantsa ako. Nakapa ko lang nung binaligtad ko pantalon ko. Ito ang nangyari.”
Makikita sa kanyang post ang larawan ng naturang polymer banknote na lukot-lukot na. Aniya, mukhang hindi na raw ito mapapalitan sa bangko at magiging souvenir na lamang ito. Ipandadagdag pa naman daw sana niya ito sa kanyang enrollment fee.
“Sadly di raw tatanggapin sa banko. In short souvenir ko na ‘to. Moral lesson: wag ilalagay ang pera sa pantalon kundi sa wallet.”
Sinabi sa ulat ng Balita Online na si Jonathan ay Communications and Accounts Specialist at nakatira sa lungsod ng Caloocan.
Ang kanyang post ay umani ng sari-saring reaksiyon at komento mula sa social media users. May mga naawa sa kaniya, at may natawa na lamang sa nangyari. Mayroon ding mga nainis dahil napakaselan daw pala ng bagong bill na inilabas ng Central Bank kumpara sa dating pera.
May ilan din na hindi kumbinsido sa kaniyang sinasabi. Fame whore daw, pang-content lang o panghatak ng views. May mga nag-tag pa sa BSP para ito ay makasuhan. Mayroon din namang mga nagtanggol pagkat ito’y aksidente lamang.
Sa mga nagduda, ipinakita niya ang isang video kung paano niya naplantsa ang pera. Nasa malaking bulsa pala ito ng cargo pants niya kaya’t nakaunat nang buo sa loob ng isang sobre.
Sa panayam ng GMA News, isinalaysay niya na ang polymer bill ay may kasamang dalawa pang lumang 1K bill ngunit hindi naman daw nasira. Bagkus nagmukha pa nga raw bago dahil sa pagkakaplantsa.
Naipahayag din niya na may iba pang nag-message sa kanya na nakaranas din ng kaparehong insidente.
Dagdag pa niya, mas maganda pa raw ang dating quality ng lumang pera. Bagama’t mas secured itong bago, lubhang mas prone pala ang polymer bills sa accidents.
Samantala, mayroon nang tugon ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP sa nangyari sa kanyang pera. Good news ito dahil papalitan daw ng BSP ang kanyang na-damage na pera.
Dati nang payo ng BSP at muling ipinaaalala na bawal plantsahin ang polymer bill o i-expose, ilapit sa anumang mainit. Hindi rin umano ito puwedeng i-expose sa matapang na kemikal gaya ng bleach. Bawal din itong i-staple, i-rubber band, o sirain ang windows. Makikita ang kumpletong guidelines sa website ng BSP.
Panoorin ang video na ibinahagi ng GMA News:
You must be logged in to post a comment.