‘Teacher Santa Claus’ sa Iligan City, sinisikap na matupad ang Christmas wish ng kaniyang mga mag-aaral

Si “Santa Claus” ay hindi lamang isang may edad na lalaking may mahabang puting balbas, nakasuot ng kulay-pulang damit, may tangang lukbutang punumpuno ng iba’t ibang regalo, at hila ng mga usa.

Siya ay maaaring isa ring babae. Kahit sino ay maaaring maging Santa Claus; kagaya na lamang ng isang guro.

“Santa Claus” ang tingin ngayon ng kaniyang mga mag-aaral sa gurong si Melanie Figueroa, nagtuturo ng asignaturang Araling Panlipunan Grade 10 sa Hinaplanon National High School, Iligan City, Lanao Del Norte, dahil sa kaniyang kakaibang adbokasiya: ang “My Christmas Wish” na ilang taon na rin niyang ginagawa at matagumpay na naisasakatuparan.

Ayon sa ulat ng Balita Online, ang adbokasiya ni Ma’am Melanie ay naglalayong ibigay o ipagkaloob ang anumang kahilingan ng ilang piling mga mag-aaral na hikahos sa buhay, sa darating na Pasko.

Matapos pumili ng deserving na mag-aaral, kinukuha niya ang “Christmas wish list” nito at ipino-post sa kaniyang social media. Pagkatapos, sa kaniyang mga tulong at koneksyon ay marami namang kumakasang sponsors na nakahandang ipagkaloob ang anumang wish ng nabanggit na mag-aaral.

Natutuwa rin ang guro dahil halos karamihan daw sa sponsors na nakikipag-ugnayan sa kaniya, kung hindi kaibigan o kakilala, ay mga estranghero din! Nagugulat na lamang daw siya dahil kahit hindi sila magkakakilala, bukas pa rin ang puso nila para magbahagi ng kanilang biyaya sa karapat-dapat na benepisyaryo.

“Pino-post ko po sa wall, seconds lang marami na gusto mag-grant ng wish, minsan nga lima kaagad ang nagsasabay kaso ‘yong pinaka-una ang pipiliin ko kasi ‘yon po ang concept noon,” ani Ma’am Melanie.

Makikita nga sa kaniyang Facebook posts ang kaniyang mga panawagan.

“So naibibigay ko po ang wish nila bago mag-Pasko tapos post ko ulit. Nakaka-amaze lang po minsan, may mga taong nagme-message sa akin na di ko kakilala asking kung paano daw makatulong or mai-grant ang wish ng mga bata.”

Kaya naman, labis-labis ang pasasalamat ng mala-Santa Claus na guro sa lahat ng sponsors at benefactors na nagpapaabot ng tulong sa kaniya.

Wala umanong hangad ang guro kundi ipakalat at ipakita sa buong bansa at mundo na marami pa ring mga taong may mabubuting puso at gawa na handang tumulong sa mga nangangailangang kababayan, lalo na sa kabataan.

Hindi lamang ito ang pang-kawanggawa at pagmamalasakit ni Ma’am Melanie.

Ayon sa ulat, bago ang “My Christmas Wish”, nakilala rin siya sa kaniyang proyektong “Laptop para sa Pangarap” kung saan humahanap siya ng deserving na mag-aaral upang mapagkalooban ng libreng laptop na magagamit nila sa kanilang pag-aaral, lalo na sa tuwing may online class.

Umusbong ito noong panahon ng community quarantines kung saan ang modality ng pagtuturo at pagkatuto ay online at modular approach.

Mabuhay po kayo, Ma’am Melanie, at nawa’y dumami pa ang mga katulad ninyo!