Senior citizens rumampa nang naka-swimsuit sa ‘Super Lolo at Lola’ competition

Sino’ng nagsabing para sa mga bata lang ang pagrampa? Sa Super Lolo at Lola competition na ginanap sa General Luna, Quezon kamakailan, pinatunayan ng mga senior citizen na walang pinipiling edad ang pagiging fab (fabulous).

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog na ini-report din ni Mav Gonzales sa 24 Oras Weekend, makikita ang pagrampa ng mga confidently beautiful lola suot ang kanilang swimsuit sa swimwear segment ng Super Lolo at Lola competition na isinagawa bilang pagdiriwang ng Senior Citizens Month.

Bukod sa pagsusuot ng swimwear, nagkaroon din ng talent competition ang mga lolo at lola na ipinakita ang kani-kanilang galing at talento sa pagkanta at pagsayaw.

Enjoy na enjoy ang mga senior citizen sa kanilang time to shine at talaga rin naman na-entertain ang mga manonood na kinabibilangan ng mga kaanak, kaibigan, at kapwa residente nila.

Ayon sa local government unit (LGU), ito ang unang beses na nagkaroon sila ng espesyal na programa para sa mga senior citizens sa General Luna. Ito raw ang paraan nila para magbigay-pugay sa kontribusyon ng mga nakatatanda lalo na at marami ang matututunan sa mga karanasan at aral na ibinabahagi nila.

Masaya rin ang mga tao sa proyektong ito dahil bukod sa fulfilment na dala ng moment na ito sa mga senior citizen, isa rin itong maganda at masayang libangan para hindi sila mainip sa kanilang mga tahanan.

May bonus din dahil walang umuwing talo sa pageant na ito dahil bukod sa mga hinirang na winners ng Super Lolo at Lola, may ibibigay din na cash prize maging doon mga hindi pinalad na magwagi sa contest.

Ang saya, hindi ba? Panoorin ang nakaaaliw na pagrampa at ang performances ng mga senior citizen na naging bahagi ng Super Lolo at Lola competition!

Narito ang full report ni Mav Gonzales sa 24 Oras Weekend kamakailan: