Sen. Bong Revilla nais ibaba ang edad ng senior citizen sa 56

Mula sa kasalukuyang 60, nais ibaba ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang edad ng mga Pinoy senior citizen sa 56.

Isinusulong ngayon ni Revilla sa Senado ang Senate Bill No. 1573 para amyendahan ang Republic Act No. 7432 na nagtatakda ng edad ng mga ituturing na senior citizen sa bansa sa 60 anyos.

Paliwanag ng mambabatas sa panayam ng GMA News, ang life expectancy ng mga Pinoy ay 72 anyos kaya ibig sabihin nito ay hindi na tayo gaanong tumatanda. Kapag naipasa umano ang kaniyang panukala, mapakikinabangan na ng mga senior citizen ang 20 discount at iba pang benepisyo pagtuntong ng edad na 56.

“Simula’t sapul, ang hangarin ko bilang halal na lingkod-bayan ay matulungan at mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino, lalo na ang mga kabilang sa sektor na madalas ay naisasantabi na lamang. Isa na dito ang ating mga lolo at lola. Silang mga buong buhay na nagsumikap at nagtrabaho para sa kanilang pamilya,” saad naman sa press release ng tanggapan ng senador.

“Silang mga walang humpay na nag-aambag sa paglago ng ekonomiya. Tunay na hindi kailanman matatawaran ang kanilang ambag sa pagsulong ng ating lipunan at bansa,” wika pa nito.

Patuloy pa ng mambabatas, nararapat lamang na ibaba ang edad ng senior citizen ngayon dahil sa panahon ngayon, lalo na nang magkaroon ng pandemya, marami sa ating mga nakatatandang kababayan ay hindi pinalad na umabot sa edad na 60.

“Sabi nga e, aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo. Kaya habang may oras pa e bigyang halaga na natin sila sa pamamagitan ng pagpapaabot ng benepisyo. Tandaan natin na ang mga kamay nila ang humubog kung ano man ang magandang tinatamasa natin ngayon,” dagdag pa ni Revilla.

Ang ilan sa benepisyong nakukuha ng senior citizens sa ilalim ng kasalukuyang batas ay ang mga sumusunod: 20% discount sa mga gamot, medical supplies at equipment, pamasahe, bayad sa hotel, restaurant, sinehan at iba pang pasyalan.

Mayroon din silang minimum na 5% discount sa mga bill sa tubig at kuryente; libreng medical, dental at diagnostic checkup sa mga pampublikong pagamutan; express lane sa mga establisimiyento at maging libreng parking fee.