Foodpanda rider na naglakad nang manakaw ang bike pang-deliver, niregaluhan ng bagong bisikleta

Nobyembre 29, nang mag-viral ang ibinahaging larawan ng netizen na si Danica Samson sa kanyang Facebook post kaugnay sa malungkot na sinapit ng isang Foodpanda rider na ninakawan umano ng gamit nitong bisikleta.

Ayon kay Danica, um-order siya sa Foodpanda at ang nakatokang mag-deliver nito ay si Paulo, isang Foodpanda rider.

Bumili lamang daw ito ng maiinom sa Easyday (sa bayan nina Danica) at iniwan lang saglit ang bike sa labas ngunit pagbalik nito ay wala  na ang kanyang bisikleta. Ninakaw na pala.

“Magandang araw po sa lahat. Siya si Paulo Tayam Pichay, Foodpanda rider. Ninakaw po ang bike niya sa labas po ng EASYDAY (bayan) Around 12nn nung nagpa-deliver ako sa Jollibee bayan (Malabon),” saad niya sa kanyang post.

Ayon pa kay Danica, medyo natagalan nang mga oras na iyon ang kanyang in-order at base sa kanilang convo ng rider na kanyang ibinahagi sa social media, napag-alaman niya rito na ninakaw pala ang bike nito kaya naman naglakad na lamang ang rider papunta sa kanto nina Danica para mai-deliver ang order.

“Kaya pala ang tagal niya kasi nanakaw pala ang bike niya. Nakakaawa si kuya nilakad niya nalang papunta sa kanto namin. Nagde-deliver padin si kuya kahit naglalakad. Pashare na din po.”

Labis naman ang awa ng netizens sa sinapit ng rider dahil ginagamit umano ni Paulo ang bisikleta sa paghahanapbuhay.

Sa araw din iyon ay nagmensahe ang rider kay Danica at sinabihan ito na may nagbigay sa kanya ng bagong bisikleta nang malaman na naglakad lang ito para mag-deliver ng pagkain.

“Ang galing talaga ni Lord guys! May tumulong kay kuya Foodpanda rider Paulo. May nagbigay po ng bike at pangsimula sa kanyang pagde-deliver,” aniya.

Nagpasalamat din ito dahil may mabubuting puso ang tumulong sa rider.

“Maraming maraming salamat po sa lahat ng nag-share, at may mga mabubuting tao na tumulong sa kanya. God bless po sa lahat,” dagdag pa niya.

Labis din ang pasasalamat ni Paulo kay Danica; na kung hindi dahil sa kanyang post ay wala na itong trabaho.