Isnab sa fans? Rendon Labador, nagpasaring sa isang sikat na koponan ng volleyball

Mga larawan mula sa Fb ni Rendon Labador

Bukod sa basketball, isa pa sa kinahihiligang isports o larong pampalakasan ang volleyball. Nakabuo na rin ng iba’t ibang fandom ang mga koponang naglalaro nito. Kapag ikaw ay isang tagahanga at tagasuporta, simpleng “Hi!”, pagsulyap, pagngiti, o pagkaway mula sa iniidolo ay malaking-malaking bagay na.

Kaya naman, maraming “Choco Mucho Flying Titans” team fans ang nalungkot sa ginawang paninita ng fitness vlogger at motivational speaker na si Rendon Labador sa nabanggit na isang koponan ng volleyball dahil sa isyu ng umano’y hindi nila pagpansin at pang-iisnab sa isang babaeng tagahangang tumatawag sa kanilang atensiyon habang kinukuhanan sila ng video.

Batay sa video, makikita at maririnig na isa-isang binati ng babaeng kumukuha nito ang star players ng team subalit hindi siya nito pinansin. Tuloy-tuloy lamang ang mga ito sa pagpasok sa loob ng isang sasakyan. Mukhang galing sa isang bakasyon ang mga manlalaro.

Ibinahagi naman ni Rendon ang video sa kaniyang Facebook account at kinomentuhan, ayon sa ulat.

“Sino po ang coach nitong mga ito? Dagdagan pa natin ng konti pang training sa good manners & right conduct,” saad ni Rendon sa kaniyang text caption, na makikita sa kaniyang Facebook post.

Inulan naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen. May mga nagtanggol sa kanila subalit mas marami ang tila minasama ito.

“Gutom na siguro kaya mainit ulo? O lahat sila meron kaya wala sa mood. Huwag na lang sana palakihin! Hindi naman sila artista.”

“Same reaction noong nakita ko video na ‘to na-sad ako para sa mga fans nila. Gusto nila ng support during their games but they can’t give back to their supporters kahit sa pinakasimpleng gesture lang.”

“Nakakainis panoorin… mahirap bang magsalita ng salitang ‘HI’ o isang kaway?”

“Wag pairalin ang di magandang attitude ‘yan ang ikakabagsak n’yo ng team n’yo. Dapat be humble pa rin. Di sa lahat ng pagkakataon mabibigyan kayo ng magandang life career.”

“Eh ano naman kung ayaw nila. Hayaan mo sila. Parehas lang naman natin tao mga ‘yan.”

Mayroon namang isang tumango bilang pag-acknowledge; ‘yung tinawag na Bea.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang Choco Mucho team tungkol sa isyung ito.