‘Deanna-mansin?’ Pang-iisnab ni Deanna Wong sa isang tagahanga, usap-usapan

Deanna Wong (Screengrab mula sa TikTok ni Rajin Navarro)

Hanggang saan nga ba ang hangganan ng pagpansin ng isang celebrity sa kaniyang fans, lalo na kapag nasa pampublikong lugar subalit ninanamnam ang pribado at personal na buhay?

Matapos maintriga ang kaniyang koponang “Choco Mucho Flying Titans”, nalalagay naman ngayon sa isyu ang isa sa mga sikat, tinitilian, at inaabangang star player nito na si”Deanna Wong”, na naging kontrobersiyal ang love life, lalo na sa paghihiwalay nila ni “Creamline Cool Smashers” Jema Galanza, na madalas nilang nakakatapat.

Ganoon na lamang ang dagundong ng hiyawan at tilian kapag nagkakatapatan sa court ang dating magkarelasyon. Maging sa TikTok na isa sa mga sikat na social media platform ngayon, talagang sila ang madalas na nagiging content.

Ngayon, usap-usapan naman ang in-upload na video ng isang fan, na nagngangalang “Rajin Navarro” matapos nitong ipakita ang engkuwentro kay Deanna, nang makita niya ito sa isang sinehan sa isang mall.

Makikita sa TikTok video na nilapitan ng netizen si Deanna na abala naman sa pakikipag-usap sa kaniyang mga kasama habang nasa counter na bilihan ng snacks.

Subalit kahit na makailang-ulit na tinawag ng uploader na siyang kumukuha ng video si Deanna, hindi man lamang lumingon sa kaniya ang sikat na volleyball star player.

Lumingon lamang ito sa kaniya nang lumakad na ito palayo mula sa kanilang kinaroroonan, at makarinig ng sitsit.

Ngunit naging matiyaga ang netizen at muling kinuha ang atensiyon ni Deanna. Kahit isang sulyap lamang daw ay okay na sa kaniya, subalit wala siyang nahita.

“Snobber ba talaga si Deanna? Kayo na bahala,” nakalagay sa text caption ng TikTok video.

Saad pa niya sa isa pang TikTok video, sinaway raw siya ng mga kasama ni Deanna nang sundan niya ito. Ayaw rin umanong magpa-picture ni Deanna.

Ayon sa ulat ng Balita Online, maging ang social media personality na si Jai Asuncion ay napakomento rito. Siya na ang humingi ng dispensa para sa ginawa ni Deanna.

“Aww sorry ate you had to experience this,” aniya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizen.

“Di nman siguro mahirap magsabi ng hello or hi lang.”

“Hay naku! Wag n’yo ibaba sarili n’yo sa mga ‘yan.”

“Deanna namansin hahaha.”

“Hahaha kaya ako never akong nastarstruck sa mga ganiyan. Pag nakakita ako, dedma!!!”

“Ano ba naman yung isang HI lang. kahit pagod man yan.. wait nyo ko maging sikat kahit mainit ulo ko mag hi ako mapasaya lang kayo.”

“Parang bagay ang name, deanna-mansin haha.”

Sa kabilang banda, may mga nagtanggol din naman sa sikat na volleyball player.

“Personal moment niya ‘yan ate, konting unawa naman. Halos majority ng buhay niya inaalam ng publiko, ibigay na lang natin sa kanila.”

“Kita mo naman sigurong may mga kasama siyang friends ‘di ba? Wala siyang obligasyon sa iyong pansinin ka.”

“Alam ko may nasabi nang ganyan noon si Nadine Lustre. Like, kilala ba kita? Feelingera si ate, bakit ka naman papansinin ni Deanna kung di ka naman kilala?”

“She’s having a precious time with her friends tapos istorbohin mo?”

“Madali lang ‘yan ate, kung di ka pinansin, huwag mo ring pansinin.”

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 3.5M views ang naturang TikTok video.

Wala pang tugon o pahayag ang coach ng Choco Mucho Flying Titans o maging ang kampo ni Deanna tungkol sa isyu.