Matet De Leon, dismayado sa inang si Nora Aunor dahil kinompetensya ang negosyo niya

Matet De Leon at Nora Aunor (Mga larawan mula sa IG/FB)

Posible nga bang masira ang relasyon ng mga mag-ina dahil lamang sa negosyo?

Usap-usapan ngayon ng mga netizen ang hinaing ng aktres na si Matet De Leon laban sa kaniyang inang si Superstar Nora Aunor o “Ate Guy”, dahil tinatapatan daw nito ang kaniyang negosyong gourmet tinapa at gourmet tuyo.

May negosyo kasi si Matet na ang ibinebenta ay bagnet bagoong, sisig bagoong, gourmet tinapa, at gourmet tuyo.

Ayon kay Matet sa kaniyang Instagram post noong Disyembre 3, ang gourmet tapa at tuyo ang kinukompetensya ng kaniyang kinalakhang ina.

Dahil dito, naungkat pa ni Matet na siya ay adopted.

“Would you do this to your children? HONOR THY FATHER AND MOTHER. HOW? How can I do that now? Ay, AMPON PALA AKO,” saad ni Matet.

Sinabihan pa raw siya na mag-reselling na lamang at huwag nang kompetensyahin ang kaniyang ina. Sumasama ang loob ngayon ni Matet dahil alam naman daw ni Ate Guy na may gourmet tinapa at tuyo na siyang ibinebenta; sumasabay pa ito.

“Noong isang gabi, sinabihan ako na na mag-resell na lang ng products ng nanay ko. Pinaghihirapan namin ang pagtitinda. Bakit all of a sudden, nagulat na lang ako, naglabas ang nanay ko ng direktang kumpitensya ng produkto ko.”

“Alam niyang may produkto akong ganyan… marami naman daw akong taping. Ano sa tngin n’yo gagawin ko ngayon? Ano magandang gawin? Kung may anak kayo, GAGAWIN N’YO BA SA MGA ANAK NIYO TO?” tanong ng nagugulumihanang si Matet.

Nakasarado ang comment section ng kaniyang IG post kaya walang makapagkomento rito. Subalit sa comment section ng Manila Bulletin, dumagsa ang reaksyon at komento ng mga netizen.

“Negosyo ‘yan, marami talagang competition. Matira, matibay diyan. Pasarapan na lang.”

“Akala ko naman nagkaayos na silang mag-ina…”

“Aw. Sharing is caring, caring is giving.”

“Why not magsosyo na lang kayo kaysa nag-aaway pa kayo?”

Samantala, wala pang reaksyon ang Superstar tungkol dito.