Magkakaibigan takot ang naramdaman nang maabutan ng ulan, kidlat sa sinasakyang Ferris wheel

Viral ngayon sa social media ang magbabarkada na nakadama ng takot at pangamba nang biglang lumakas ang ulan at kumikidlat pa  habang nakasakay sa ferries wheel ang mga ito.

Sino ba naman ang hindi matatakot kung habang nasa gitna kayo ng kasiyahan ay biglang dumating ang malakas na ulan at kidlat na puwedeng ikapahamak ng magkakaibigan.

Sa video reels na in-upload ni Bryant Daven Duldulao ay sinabi nito na gusto lamang niya i-celebrate ang kanyang kaarawan ngunit peligro at takot ang nangyari sa kanila.

Ayon sa ulat ng ni Cedrick Castillo sa GMA News “24 Oras” kamakailan, makikita sa nag-viral na video sa social media si Duldulao, na tila idinaan na lang sa tawanan at biruan ang kanilang sitwasyon habang sakay ng ferris wheel sa Enchanted Kingdom.

Habang umiikot ang sinasakyan ay bigla kasing bumuhos ang ulan at nasundan pa ng pagkidlat.

“Kabado po ako kasi hindi ko po expected na umiikot po ‘yung sinasakyan po namin eh ang lakas ng hangin doon sa taas,” kuwento ni Duldulao.

“Talaga pong sumisigaw po ako kasi hindi ko na po alam gagawin ko… nag-hysterical na po ako actually noong nasa taas. Sumisigaw na po kami pati ‘yung ibang mga nakasakay, sumisigaw na rin po sila na ihinto na lang din po ‘yung ride,” dagdag pa niya.

Pinababa naman daw agad ng operator isa-isa ang mga customer at pinahinto na rin ang operasyon ng naturang park.

Matapos silang ibaba at naramdaman nilang sila ay ligtas na ay humingi ng pasensya ang mga staff ng EK.

Sinubukang kunan ng komento ang Enchanted Kingdom pero hanggang ngayon ay wala pa ring ibinibingay na statement mula sa amusement park sa nangyaring insidente.

Ayon naman sa Occupational Safety and Health Consultant na si Engr. Allan Cuya, lubhang peligroso ang pinagdaanan ng mga nasa viral video.

“Napakadelikado dahil ‘yung hawakan, ‘yung dulas. Salamat at nakaupo siya pero at the same time ‘yung bagsak ng ulan, siyempre dahil medyo panicking ang dating ng tao,” giit ni Cuya.

Sinabi rin ni Cuya ang peligro ng naturang amusement ride sa tama ng kidlat. Nagbigay naman ng advice ang eksperto sa publiko na ipatigil sa operator ang rides kung sakaling maranasan ang parehong sitwasyon.