Tabing Ilog star Kaye Abad sa 26 taon sa Star Magic: ‘Never pumasok sa isip ko na iwanan kayo’

Isa ang Tabing Ilog star na si Kaye Abad sa mga Kapamilya star na tumanggap ng loyalty award mula sa Star Magic. Mula sa pagiging young star hanggang sa maging ganap na seasoned actress, 26 taon na siyang bahagi ng Star Magic.

“Thank you to my Star Magic family for this recognition. Hindi ko na siguro kailangan pang patunayan sa inyo kung gaano ko kayo kamahal, because never pumasok sa isip ko na iwanan kayo,” pahayag ni Kaye sa kanyang acceptance speech sa ginanap na Christmas gathering.

Dito, naibahagi niya rin na nagpaalam siya noong bago ikasal sa Star Magic head na si Lauren Dyogi, na kung tawagin niya ay “lolo”, na titigil na siya sa pag-aartista. Gayunman, nanatili pa rin si Kaye sa pag-aartista at sa pagiging isang Kapamilya.

“May isang instance—Lolo, remember, noong nagpaalam ako sa‘yo bago ako ikasal, titigil na ako? But then, nandito pa rin ako,” wika niya.

Labis din na nagpapasalamat si Kaye sa paniniwala at pagtitiwala sa kanya ni Lauren simula pa noong una siyang pumirma para sa nasabing network.

“Lolo LMD, thank you. Isa ka sa mga tao na kahit before, before pa ako mag-Tabing Ilog, isa ka sa mga taong naniwala sa kakayanan ko,” aniya.

Pagdating daw ng panahong puwede na siya muling umarte, ikagagalak daw niya na gumawa muli ng mga proyekto para sa ABS-CBN.

“I hope to be back soon, kung hindi ako mabuntis ulit! Joke lang, ayoko na!” biro niya.

Matatandaang sinabi ni Kaye sa isang recent vlog ni Francine Diaz na babalik siya muli sa pag-arte kapag medyo malaki na ang mga anak nila.

“I never left, siguro nagpahinga lang because priority ko is mag-baby muna because I’m not getting any younger. So palakihin ko muna ‘yung mga bata then I will, for sure go back because nami-miss ko na rin talaga ‘yung acting,” wika niya.

“But if this time, around this time, maybe not yet because bata pa ‘yung youngest ko. He’s turning seven months pa lang, very baby pa. Maybe when he’s around one but I’m not sure if I can do like a full-time because that means I would have to stay in Manila for three to six months, so siguro like guesting,” pagpapatuloy niya.