Janella, rerelyebo nga ba kay Jane bilang ‘green Darna’?

Janella Salvador at Jane De Leon (Larawan mula sa Twitter)

Isa sa mga pinag-uusapan at inaabangang action-fantasy series ngayon sa Primetime ang “Mars Ravelo’s Darna: The TV Series na pinagbibidahan ni Jane De Leon, na nasa season 2 na.

Ngunit tila hindi yata tumalab ang mahiwagang bato ni Darna kay Jane matapos niyang ma-diagnose na may dengue, at positibo rin sa urinary tract infection o UTI.

Nakapagdiwang pa ng kaarawan ang rising star sa Okada, Manila kaya naman nabigla ang kaniyang mga tagahanga sa kaniyang pagkakasakit.

“I won’t be able to reply but I promise to see you guys soon,” ani Jane habang pinasalamatan niya rin ang patuloy na nagdarasal para sa kaniyang paggaling, ayon sa ulat.

Kaya naman, pinag-usapan sa Twitter ang mga kumalat na litrato ni Janella Salvador, gumaganap na “Valentina/Regina Vanguardia” sa serye, na siyang mortal na kalaban ni Darna.

Mapapansing tila nakasuot ng green Darna costume si Janella. Itinampok din ito sa entertainment site na “Fashion Pulis“.

Wala pang opisyal na pahayag o teaser na inilalabas ang “JRB Creative Production” tungkol dito, subalit hinuha ng mga netizen, baka ito muna ang plot twist sa takbo ng kuwento habang nagpapagaling pa si Jane at hindi muna makakapag-taping.

Naalala ng mga netizen ang Darna version noon ni Angel Locsin sa GMA Network kung saan nagkaroon naman ng “Black Darna” na ginampanan ni Katrina Halili, ayon pa sa ulat ng Balita Online.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.

“Yung Darna 2005 ni Angel naging BLACK DARNA naman siya. Parang ginaya lang ng ABS yun ngayon.”

“May sakit si Jane De Leon kaya ‘yan malamang reason bakit ipapasok ang green Darna. Wala si Jane kaya bibigyan ng ganiyang plot para si Janella muna ang magtake over. Interesting naman infer.”

“Ooohhh. Kaya ba may paganito kasi may dengue si Jane at hindi makapagtaping? At least naisip nila to it looks exciting.”

“Sige na. Whatever floats your boat. Kung para naman sa ikatataas ng ratings, why not? Support na lang tayo.”

“To be fair, gumaganda na nga magmula noong magkaroon ng season 2, may mga inconsistencies pa rin pero naglevel up naman kahit papaano si Darna. Hindi ko nga lang matansya lagi tong si Regina/Valentina.”

Samantala, hindi pa ito nakukumpirma ni Janella o ng JRB habang isinusulat ang artikulong ito.