Grade 12 student naospital matapos hagisan ng scotch tape ng kaniyang guro

Isinugod sa pagamutan ang isang Grade 12 na estudyante sa General Santos City matapos tamaan ng rolyo ng scotch tape na inihagis sa kaniya ng kaniyang guro.

Ang naturang estudyante ay 19 taong gulang at nag-aaral sa Dadiangas North High School sa nabanggit na siyudad.

Kuwento ng nanay ng tinedyer sa Brigada News PH, Oktubre 12 umano nang mangyari ang insidente. Nagalit raw ang teacher dahil sa kakulitan ng kaniyang anak kaya hinagisan ito ng isang rolyo ng scotch tape na tumama sa ulo ng estudyante.

Tila napuruhan naman ang tinedyer dahil agad umanong sumakit ang ulo nito at kinahapunan nga raw ng araw na iyon ay isinugod nila ito sa ospital.

Matapos bumuti ang kalagayan, pinauwi naman daw agad sila ng doctor, ayon sa nanay, subalit muling nagsuka ang bata pagdating ng bahay.

Dahil dito, napilitan silang ibalik ang estudyante sa ospital kung saan mahigit na raw isang buwan itong naka-confine.

Natuklasan ng doktor na may namumuong dugo sa utak ng bata kaya kailangan itong operahan.

Ayon pa sa ulat, nag-ambagan ang mga guro at estudyante ng paaralan upang makalikom ng pera na ipambabayad sa ospital ng bata.

Umabot naman sa mahigit P20,000 ang naipong pera subalit kapos pa ito sa inabot na bayarin sa pagamutan.

Kaugnay nito, nagsagawa na umano ng imbestigasyon ang DepEd-Gensan upang malaman ang buong pangyayari.

Hinihintay na rin ng pamunuan ng DepEd kung magsasampa ng kaukulang reklamo ang mga magulang laban sa guro.

Samantala, hindi pa rin naglalabas ng pahayag ang naturang guro upang sagutin ang kaniyang pagkakasangkot sa nabanggit na isyu.

Panoorin ang buong ulat ng Brigada News:

Bumuhos naman ang reaksyon sa ulat ng pangyayari.

“Hindi madali maging teacher. Mga kabataan kasi ngayon matatapang, nung panahon namin walang ganyang guro kasi kakaunti lang ang bastos at matapang na estudyante.”

“Mali ang paghandle ng teacher sa situation, iExpect nyo na may makulit talaga sa school, sa dami b nmn nyan imposible lahat yan mabait, di physical discipline ang need pg ganan dapat din kasi may rules na sinusunod ang teacher sa pag discipline ng bata, sa 1st offense ay palabasin ang bata sa classroom, 2nd offense suspend 3 days, 4th offense eh idropout sa subject dapat nakapost din yan sa lahat ng classroom para aware ang bata. Di ko sinasabi tama ang bata, pero ung tamang pag handle sa ganto na situation dapat may process din.”