Dennis Padilla dismayado sa ‘di pa natutuloy na panayam ni Karen Davila

Naglabas ng kaniyang saloobin ang aktor na si Dennis Padilla tungkol sa hindi pa rin natutuloy na panayam sa kaniya ng broadcaster at vlogger na si Karen Davila.

Matatandaang nag-react si Dennis sa panayam ni Karen sa anak niyang si Julia Barretto na nagsabing hindi pa siya handang muling makausap ang ama.

Pag-amin pa ni Julia, gusto niya lang ng pagmamahal at proteksyon mula kay Dennis.

“I just need more love from him, I think. I just need more love, more protection. I just feel like he should be my number one protector and that’s not really what I’m getting now from him so it does hurt because dapat siya yung tinatakbuhan ko. It’s sad that I can’t. I pray for it. God, can you forgive me even if right now hindi pa okay lahat?” sabi ni Julia.

Nang makarating kay Dennis ang tungkol dito ay agad siyang nanawagan kay Karen na bigyan siya ng pagkakataon na ibigay ang kaniyang panig sa mga sinabi ng anak.

Sa isang panayam sa PEP kamakailan ay sinabi ni Dennis na bagama’t nagkausap na sila ni Karen noon ay hindi pa rin natutuloy ang napag-usapang panayam.

Tinanong pa raw ni Dennis si Karen kung bibigyan siya nito ng pagkakataon na magsalita kahit kaibigan ng broadcaster ang ex-wife niyang si Marjorie Barretto.

Ang usapan daw nila ay isang linggo matapos ang presscon ni Dennis para sa kaniyang teleseryes a GMA ay iinterviewhin siya ni Karen pero ‘di na siya naballikan nito.

“Shinowbiz din niya ako! Pero kung nagkaharap kami ni Karen Davila, ako, kaya kong tumingin nang diretso sa mata niya. Ang problema niya, siya ba, kaya niyang tumingin sa akin?” sabi pa ni Dennis.

“Kahit Karen Davila ka, mangliliit ka sa akin kapag nagkita kami dahil sasabihin ko sa kanya, ‘Journalist ka, e. You have to weigh things. E, bakit ni-one side mo ako?'”